
NI NOEL ABUEL
Umaasa si Kabayan partylist Rep. Ron Salo na matutupad ang pangarap ng mahigit 660,000 contractual at job order employees sa gobyerno na maging regular sa kanilang trabaho kahit walang civil service eligibility.
Ayon sa kongresista, sa pagbubukas ng 19th Congress ay inihain nito ang House Bill (HB) 521 o ang Automatic Civil Service Eligibility Act na magiging tulay tungong regularisasyon ng mga contractual at casual employees na matagal nang nagsisilbi sa gobyerno.
Aniya, sa record ng Civil Service Commission (CSC) noong 2017, mahigit 2.4 milyon ang empleyado ng gobyerno na kinabibilangan ng 1.5 milyong career service personnel, 200,000 non-career service personnel at mahigit 660,000 contractual o casual workers.
“Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi mabigyan ng full entitlement ang mga contractual, casual o job order employees ay dahil wala silang eligibility para maging kuwalipikado at ma-regular sa kanilang trabaho,” sabi nito.
“Sa kasalukuyan, ang tanging basehan ng pagbibigay ng eligibility ay sa pamamagitan ng eksaminasyon, at hindi nabibigyan ng konsiderasyon ang kanilang karanasan gaano man sila katagal na sa serbisyo sa gobyerno,” paliwanag ni Rep. Salo.
Dahil dito kahit ilang taon at dekada na umanong nagtatrabaho ang mga contractual employees sa gobyerno ay hindi maibigay sa mga ito ang kanilang karapatang magkaroon ng security of tenure.
Upang matulungan ang mga ito, nais ni Rep. Salo na maipasa ang kanyang panukala upang lahat ng mga contractual, casual o job order employees ay awtomatikong mabibigyan ng civil service eligibility kapag nagtagal sila sa kanilang trabaho nang tatlong (3) taon.
Nakasaad din sa panukala na kahit naputol ang serbisyo subalit nakapagserbisyo nang kabuuan ng limang (5) taon ang isang contractual, casual o job order employees ay pagkakalooban pa rin ito ng Civil Service Eligibility.
“If the employee in the government has been continuously rehired or have their contract renewed consecutively for a period of three (3) years or more, or been re-hired for at least five (5) years even if not continuous, it can be presumed that the employee has been performing functions that are necessary and desirable in furtherance of the government’s mandate,” paliwanag pa ni Rep. Salo kung bakit dapat bigyan ang mga ito ng pagkakataon na maging regular kahit hindi sila nakapasa sa civil service eligibility examanination.
Kailangan din maging ehemplo ang gobyerno sa private sector lalo na’t itinutulak ng estado na tapusin ang “Endo” o 5-5-5 scheme at sumunod sa Labor Code na sa loob ng anim (6) na buwan ng employment ay dapat maregular ang kanilang mga empleyado.
