
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador . Robinhood “Robin” C. Padilla na hindi basta-bastang hugot sa ere kundi pinag-aralan nang mabuti ang mungkahi nitong magkaroon ng ropeway o aerial cable cars sa bansa bilang tugon sa matinding problema ng trapik sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Padilla, aprubado na ng nakaraang administrasyon ang mungkahing magkaroon ng cable car system na uugnay sa mga lungsod ng Marikina at Pasig.
“Bakit ko po ito iminungkahi? Aprubado na po kasi ito ng dating administrasyon,” ani Padilla sa kanyang Facebook account na nagsabing nagpahayag ang bansang France na handa itong tumulong kung sakaling maaprubahan ang proyektong ito.
Ani Padilla, nagmungkahi siya na gumamit ng aerial cable car system bilang tugon sa talumpati ni Senador JV Ejercito patungkol sa transportasyon ng tren at pagpapalakas ng railway system sa bansa.
“Nagustuhan ko po ito kaya’t akoy nagtaas ng kamay at nagbigay ng pananalitang pagsuporta kay Senator Ejercito at kabalikat po nito ay ang pagmungkahi sa kanya ng paggamit ng cable car sa Metro Manila para sa pagtugon sa masamang kalagayan ng trapiko,” ayon sa mambabatas.
Dagdag ni Atty. Rudolf Philip Jurado, na abogado at kaibigan ni Padilla, nagsagawa na ng pag-aaral ang Department of Transportation (DoTr) tungkol sa proyekto at naiendorso na ito sa National Economic and Development Authority (NEDA).
“Take note that the $100-million Marikina-Ortigas cable car project was approved by the Department of Transportation last year and was sent to NEDA for its approval. This Cable car project will ease the traffic in the eastern side of Metro Manila per studies of the DOTR,” ayon kay Jurado.
Kasama sa mungkahi ng DoTr ang 4.5-km na cable car system na uugnay sa mga siyudad ng Marikina at Pasig, na may mga stop sa Quezon City at Pasig.
