
NI NERIO AGUAS
Magandang balita para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Taiwan.
Ito ay matapos na ilabas ng labor ministry ng Taiwan ang buwanang minimum pay ng mga migrant home-based caregivers at household service workers.
Ayon sa ulat ni Labor Attaché Cesar Chavez Jr. ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taipei, ang bagong suweldo ay naging epektibo noong Agosto 10, na magandang balita para sa mga paparating na migrants at ng mga lumagda ng bagong kontrata sa kanilang employers sa Taiwan.
Sinabi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang 17.6 percent increase sa buwanang sahod ay unang ibinigay ng Taiwan government simula noong 2015 kung saan ang mga migrants ay nakakatanggap lamang ng NT$8,250 na mas mababa sa mga Taiwanese careworkers.
Inihayag ng minimum wage committee ng Ministry of Labor na ang bagong monthly pay ng mga migrant workers ay magiging NT$20,000 o katumbas ng US$665.70 mula sa dating NT$17,000 o US$565.90 kada buwan.
Sinabi naman ng POLO na ang mga migrant workers na lumagda ng kontrata sa kanilang employer bago ang Agosto 10 ay hindi kasama sa bagong mimimum pay.
“The labor ministry has also advised Taiwanese employers that in order to encourage worker retention, salaries should be increased by NT$1,000 after three years and another NT$1,000 for workers who are six years in service,” sabi ni Chavez.
Idinagdag pa sa ulat ng POLO na ang mga low-income at low-middle income employers ay makakatanggap ng buwanang NT$3,000 government subsidy sa loob ng tatlong taon o katumbas ng maximum NT$108,000 para makasunod sa bagong ipatutupad na new wage.
Sinabi pa ni Chavez sa Taipei lamang, naiproseso ng POLO ang nasa 2,400 kahilingan sa mga caretakers at household workers mula Mayo hanggang Agosto 9.
“It is estimated that around the same number of OFWs will be benefitted directly by the wage increase,” sabi pa ni Chavez.
