Lakas-CMD sa Kamara umabot na sa 66

Si Eastern Samar Rep. Maria Fe R. Abunda (kanan) at Calamba City Rep.Charisse Anne C. Hernandez-Alcantara (ikalawa sa kanan) habang nanumpa bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD. Nasa larawan sina House Speaker Martin G. Romualdez at senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.

Ni NOEL ABUEL

Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga miyembro ng House of Representatives na sumapi sa Lakas Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na umabot na sa 66.

Ito ay kasunod ng panunumpa ng dalawa pang kongresista na sina Eastern Samar Rep. Maria Fe R. Abunda at Calamba City Rep. Charisse Anne C. Hernandez-Alcantara sa harap ni House Speaker Martin G. Romualdez, pangulo ng partido.

Tumayong saksi sa panunumpa si senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, na President Emeritus ng Lakas-CMD.

Sa parehong okasyon, pinangasiwaan din ni Romualdez ang panunumpa kina Taft Mayor Gina Ty at dating Guiuan Mayor Christopher Sheen P. Gonzales, kapwa mula sa Eastern Samar province, bilang mga miyembro ng Lakas-CMD.

“We are happy that two more colleagues of ours in the House have chosen to join us in Lakas-CMD. We look forward to having a fruitful and pleasant bonding and interaction with them and the rest of our members,” sabi ni Romualdez.

At dahil sa umabot na sa 66 ang bilang ng mga kongresista na miyembro ng Lakas-CMD, ito na ang pinakamaling political group sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong 19th Congress.

Sina Abunda at Hernandez-Alcantara ang pinakahuling naging miyembro ng Lakas-CMD matapos na noong nakaraang buwan na nanumpa rin sa partido sina Rep. Isidro Ungab at Vincent Garcia ng ikatlo at ikalawang distrito ng Davao City, Alan Dujali ng ikalawang distrito ng Davao del Norte, at Josefina Tallado ng unang distrito ng Camarines Norte.

Ang Lakas-CMD, ay administration party na nangampanya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Leave a comment