Solon sa DepEd: Ituro dapat ang tama!

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang apela sa Senado na imbestigahan ang isyu ng pagbili ng Department of Education (DeEd) ng umano’y overpriced na laptop na inilaan upang tulungan ang mga guro sa paglulunsad ng ahensya ng remote learning sa gitna ng pandemya.

“How can we teach our kids that crime does not pay kung pagbukas nila ng TV eh halos kapresyo ng MacBook Air ang laptop na binili para sa teachers nila?” tanong ni Cayetano sa pulong balitaan sa Senado.

“Kung walang tinatago, walang mawawala sa isang imbestigasyon. Malalaman agad ng tao kung ito ba ay dahil sa bureaucratic red tape, o may nagkamali, or may nangorap ba dito?” dagdag nito.

Kasabay nito, sinabi ni Cayetano na naniniwala itong walang kinalaman si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa ilalim ng kanyang administrasyon sa pagbili ng overpriced na laptop.

 “I have full faith na walang kinalaman si PRRD sa mga laptop na ‘yan dahil alam kong hindi nakikialam siya sa mga ganyan. Too trivial na para pakialaman niya pa,” ani Cayetano.

Una nang naghain ang senador ng Senate Resolution No. 134 noong Agosto 11, 2022, na humihiling sa Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing anomalya na kinasasangkutan ng  Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS).

Sa kanyang resolusyon, inusisa ni Cayetano kung bakit ang presyo ng mga laptop ay lampas sa kanilang mga detalye, na itinuturo na ang mga yunit na nakuha ay may mabagal, entry-level processors.

Sinabi rin nito na ang pagbili ng mga laptop ay nangyari siyam na buwan matapos maaprubahan ang budget para sa kanilang pagbili sa ilalim ng Bayanihan II pandemic relief bill.

“My point is this is a very good first case for the Blue Ribbon Committee because it is simple. Kung mayroong anomalya, we can hold someone accountable para maipakita sa tao na hindi ito lulusot. Kung hindi natin ito maayos, magkakalakas ng loob ang iba dahil napakasimple na nga ito, nakakalusot pa,” paliwanag pa nito. 

Leave a comment