Pondo ng DA sa 2023 malaking tulong sa magsasaka– solon

Rep. Mark Enverga

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pasasalamat ang House Committee on Agriculture chairman at Quezon 1st district Rep. Mark Enverga sa executive branch para sa halos 40 porsiyentong pagtaas ng pondo na inilaan sa Department of Agriculture (DA) batay sa isinumiteng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Sa pulong balitaan sa Ugnayan sa Batasan Majority News Forum, ipinarating ni Enverga kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pasasalamat at tinupad ang pangakong ipaprayoridad ang food security ng banda.

“Masayang-masaya kami coming from an agricultural sector magandang balita po para sa ating mga magsasaka ‘yung 39 percent ang in-increase ng Department of Agriculture so this is good news to the farmers,” aniya.

“In general masayang-masaya po tayo, tumutoo po ang ating Pangulong Bongbong Marcos na kung saan nga number 1 po niyang, sa agenda po niya is food security which I definitely am sure will be very much inclusive,” dagdag pa ni Enverga.

Matatandaang kinuha ni Marcos ang trabaho ng DA secretary para simulan ang kanyang panunungkulan bilang pangulo.

Ginawa nito ang desisyong ito upang matiyak na magiging mas handa ang ahensya sa pagharap sa isang nagbabantang krisis sa suplay ng pagkain.

Nagkataon na si Enverga ay nagmula sa isang lalawigan na kilala sa mga ani nito sa agrikultura, na kinabibilangan ng mga butil, prutas, at gulay at nangangahulugan ito na nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na magsasaka.

“On my end kami masaya kami kasi finally nabigyan ng pansin yung agricultural sector, it has been long been neglected,” aniya pa.

Sa nalalapit na budget deliberations sa Kamara sa P5.268-trillion NEP, nagpahayag ng kumpiyansa si Enverga na makakapagpadala ang DA ng mga resource person na makapagbibigay sa mga mambabatas ng lahat ng impormasyong kailangan nila.

“We, of course, have heard that he has designated Usec. [Domingo] Panganiban to be representing him when it comes to the budget deliberations and I think it’s also the key people within the agency that will be answering most of the question so siguro mas magandang sa kanila rin nating marinig ‘yung detalye,” paliwanag pa nito.

Una nang natanggap ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin G. Romualdez ang 2023 NEP mula kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman noong Lunes kung saan ang pondo ng DA sa susunod na taon ay nasa P184.1 bilyon.

Leave a comment