
NI KAREN SAN MIGUEL
Inirekomenda ng Commission on Audit (COA) sa Philippine Coast Guard (PCG) na sampahan ng kaso ang ilang suppliers at contractors dahil sa kabiguang matapos sa takdang oras ang 92 construction projects na nagkakahalaga ng P1.226 bilyon at pagkabigong mai-delivery ang ilang kagamitann at mga supplies na nagkakahalaga ng P1.336 bilyon.
Sa inilabas na 2021 audit sa PCG, na may petsang Hulyo 15, 2022, sinabi ng state auditors na 29 infrastructure project na nagkakahalaga ng P104.403 milyon ay nabalam ng tatlo hanggang walong taon; 39 proyekto na nagkakahalaga ng P463.116 milyon na dalawa hanggang tatlong taon; 19 proyekto na nagkakahalaga ng P510.178 milyon na isa hanggang dalawang taon at limang proyekto na nagkakahalaga ng P148.217 milyon na delayed ng ilang buwan.
Sa kabilang banda, ang mga suppliers sa 14 procurement contracts na nagkakahalaga ng P1,336,197,288.96 ay na-delayed ang delivery date ng 38 hanggang 669 araw.
Idinagdag pa ng COA na dapat na isailalim na ng PCG sa blacklisting ng nasabing mga tiwaling contractors, at kuhanin ang liquidated damages, at kasuhan sa korte upang hindi na makakuha pa ng proyekto sa pamahalaan.
Bilang tugon sa rekomendasyon ng COA, sinabi ng PCG na ang Maritime Safety Services Command (MSSC) nito ay may kahalintulad na panawagan laban sa mga tiwaling kontraktor at kasuhan sa korte.
Idinagdag pa na ang Contract Termination and Review Committee (CTRC) ay nagrekomenda na tapusin na ang 57 sa 92 delayed projects na may kabuuang P466.38 milyon na susundan ng pagba-blacklist na makasali pa sa mga government contracts.
Habang sa mga undelivered procurement, isinantabi na ng PCG ang kahilingan ng mga supplier na magpatupad ng ekstensyon para sa delivery ng 40 11.5-meter high speed response boat (small) na pinakamalaking transaksyon ng PCG na nasa P1.196 bilyon.
Sa records, ang kontrata ay ibinigay noong Enero 2019 at dapat ay natapos na noong Enero 2021.
Nilinaw pa ng COA na base sa pag-aaral ng Agency Action Plan and Status of Implementation ng PCG personnel, ang pagkabalam ay ng proyekto ay dahi sa kapabayaan ng mga kontraktor.
“The audit team is concerned that if the PCG management does not act with urgency in the completion/full implementation of the 92 infrastructure projects, it will result in loss and wastage of public funds,” ayon sa COA.
Kasama rin sa mga delayed procurement transactions ng PCG ang P63.48 milyong supply at paglalagay ng surveillance cameras sa Pasig River; ang P21.876 milyon na rashguards at iba pang operational equipment; at ang P17.06 milyon halaga ng office equipment para sa iba pang PCG units.
