Mental Health sa Basic Education gagawing prayoridad — solon

Rep. Florence Reyes

Ni NOEL ABUEL

Upang masolusyonan at matugunan ang dumaraming kaso ng depresyon at iba pang pangangailangang mental sa mga eskwelahan ay dapat na gawing prayoridad ang mental health sa basic education.

Sa inihaing House Bill No. 929 o ang “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act”, nina Pasig City Rep. Roman T. Romulo at Anakalusugan party list Rep. Ray Florence Reyes, layon nito na magdagdag ng Guidance Counselors at Mental Health professionals, kasama ang umento sa sahod, sa mga paaralan para sa mga guro, estudyante at mga empleyado.

Nabatid na bahagya ring ibababa ang kwalipikasyon upang matugunan ang kakulangan sa bilang ng mga ito.

“Ang problemang dulot sa emotional at psychological state dala ng COVID-19 sa ating mga mag-aaral at mga guro ay sagabal sa kanilang pagkatuto at kakayanan. Nais nating gawing mas ligtas at kaaya-aya ang ating mga paaralan,” ani ni Rep. Reyes.

“It will not be easy to employ guidance counselors and mental health professionals in a short time span, but with the aid of this bill, we look forward to meeting the proper ratio within five years,” dagdag pa nito.

Ang suweldo ng lahat ng entry level Mental Health Professionals ay madaragdagan na hindi mababa sa Salary Grade 16, at Salary Grade 11 naman sa Guidance Associates at Psychometricians.

Makakatanggap din ng nasabing benepisyo ang mga Public Health Workers.

Sa sandaling maging batas, ang Department of Education (DepEd) kasama ang Joint Congressional Oversight Committee (JCOC), ang isyang magmo-monitor at magbabantay sa implementasyon ng nasabing panukala.

Leave a comment