
Ni NOEL ABUEL
Sisimulan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagdinig at pagtalakay sa P5.268-trillion sa susunod na taon na may temang “Agenda for Prosperity” national budget.
Ang deliberasyon sa unang buong-taon na budget na panukala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagsimula sa pagbuo ng mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBC) sa estado ng ekonomiya at ng macro-economic parameter na gagamitin ng pamahalaan sa susunod na taon.
Pangungunahan ni House Speaker Martin Romualdez at mga miyembro ng House Comittee on appropriations ang pakikipag-usap kina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at si Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Felipe Medalla.
Sinimulan ng Kamara ang proseso ng pagtalakay sa national budget apat na araw makalipas na isumite ni Pangandaman sa Kongreso.
Sinisiguro naman ni Romualdez sa taumbayan na ang ipapasa nitong 2023 national budget ay makakatulong sa pangangailangan ng taumbayan partikular ang paghahanap ng solusyon sa dinaranas na krisis sa kalusugan, trabaho at food security.
Idinagdag pa nito na titiyakin ng mga mambabatas na magiging transparent ang mga ito sa paghimay sa budget ng pamahalaan.
“The budget will be product of the entire House of Representatives, where the majority will listen to the minority’s concerns and of source, we as the representatives of the people, will also be attuned to their needs. This budget basically represents the hope of the future and the agenda for prosperity in the country this coming 2023,” paliwanag ni Romualdez.
Aniya, sisiuruhin nito na bawat sentimo sa national budget ay pahahalagahan ng mga mambabatas at ipapatupad ito para sa mga programa ng bawat Filipino.
Sinabi pa ni Romualdez na target ng Kamara na maipasa ang proposed budget bago sumapit ang Setyembre 30 o ilang araw bago ang Oktubre 1 na bakasyon ng mga mambabatas hanggang Nobyembre 6.
Ayon naman kina Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng komite at Ako Bicol party list Rep. Zaldy Co na tatapusin ng mga ito ang pagdinig sa Setyembre 16.
