Pag-amiyenda sa RA 7610 isinulong sa Senado

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Inihain sa Senado ang panukala para amiyendahan ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” sa layuning pahusayin ang mga hakbangin sa proteksyon ng bansa para sa mga bata.

Sa Senate Bill No. 1188 na inihain ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, partikular na nais nitong maamiyendahan ang Section 5 (b) ng Anti-Child Abuse Law kaugnay ng parusa sa mga indibiduwal na masasangkot sa lascivious conduct o sexual activity sa mga menor de edad na hindi bababa sa 12- taong gulang.

Ang iminungkahing pag-amiyenda ay magtataas ng parusa sa reclusion temporal hanggang sa reclusion perpetua para sa sinumang indibidwal na mapapatunayang lumalabag sa batas sa ilalim ng nasabing probisyon.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang lascivious acts laban sa isang menor de edad na wala pang labindalawang taong gulang ay pinarurusahan ng reclusion temporal habang ang parehong paglabag na ginawa laban sa isang bata na higit sa labindalawang taong gulang ngunit wala pang labingwalong taong gulang ay pinarurusahan ng reclusion temporal hanggang sa reclusion  perpetua.

“Mariin po nating tinututulan ang pang-aabuso sa ating mga kabataan. Kaya naman po isinusulong ko ang panukalang ito sa Senado upang masiguro na protektado ang ating mga kabataan laban sa mga ganitong pang-aabuso,” sabi ni Go.

“Ang mga kabataan po ang pag-asa ng ating bayan. Gawin po natin ang lahat upang proteksyunan sila laban sa mga taong may masamang intensyon sa kanila,” dagdag pa nito.

Nauna rito, pinuri rin ni Go ang pagsasabatas ng RA 11648, na nagtataas ng edad para sa pagtukoy ng statutory rape mula 12-anyos hanggang 16-anyos, bilang isang mahalagang hakbang sa paglaban sa sekswal na karahasan at pagsasamantala.

Ang pag-amiyenda sa Anti-Rape Law ng 1997 ay alinsunod sa rekomendasyon ng United Nations Convention on the Rights of the Child upang matukoy ang isang mas angkop na edad para sa sexual consent.

Leave a comment