COVID-19 prevention online course alok ng TESDA

NI NERIO AGUAS

Hinihikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga paaralan, mag-aaral, at magulang na gamitin ang libreng online course nito sa pag-iwas sa COVID-19.

Sinabi ni TESDA Director General Danilo P. Cruz na ang mga paaralan, kolehiyo, at pampubliko at pribadong unibersidad ay maaaring kumuha ng online course na idinisenyo upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa mga guro at estudyante.

“Sa pagbubukas ng ating mga paaralan para sa face-to-face class, inaanyayahan natin ang lahat na mag-enrol sa ating libreng online course na may kaugnayan sa pamamahala ng COVID-19 upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng virus at makaagapay sa mga pagbabago na dulot nito,” sabi ni Cruz.

“Makukuha ang kursong ito sa e-tesda.gov.ph at madaling ma-access ng publiko anumang oras at kahit saan, gamit ang kanilang mga internet-capable smartphone, computer, o laptop,” dagdag nito.

Sa pagsisimula ng pandemya, matatandaang binuo ng TESDA ang online course na “Practicing COVID-19 Preventive Measures in the Workplace” at ito ay kanilang isinama sa TESDA Online Program (TOP).

Ang kursong “Practicing COVID-19 Preventive Measures in the Workplace” ay palaging kabilang sa pinakasikat na kurso sa TOP. Noong 2020, mahigit 142,000 ang nakatapos ng kurso, habang 383,826 naman ang kumuha nito noong 2021.

Sinabi ni Cruz na ini-link ng TESDA ang mga libreng online course tungkol sa pamamahala ng COVID-19 mula sa iba pang open source, at ilan sa mga ito ay ang  “Contact Tracing Course” ng Johns Hopkins University, at “COVID-19: How to put on and remove personal protective equipment (PPE)” at “Standard precautions: Hand hygiene” ng World Health Organization (WHO).

Sa oras na matapos ang kurso, makatatanggap ng certificate of completion ang mga enrollees sa TOP at maaaring sumailalim sa mahusay na competency assessment at makatatanggap ng National Certificate (NC).

Bukod sa website, maaari ring ma-access ang TOP sa pamamagitan ng sarili nitong mobile app, na pwedeng  i-download sa smartphone gamit ang Google Play o App Store.

Nag-aalok din ito ng 150 kurso sa iba’t ibang sektor kabilang ang construction, automotive at land transport, electrical at electronics, at iba pa.

Mula nang ilunsad ang TESDA TOP noong 2012, mayroon na ito ngayong  mahigit sa apat na milyong registered users.

Leave a comment