
Ni NOEL ABUEL
Kinailangan pa ng isang nakaupong Pangulo upang sabay na maglingkod bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) para maitaas lang ang budget nito.
Ito ang sabi ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto kung saan sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. makikita ng DA ang pagtaas ng badyet nito ng 44 porsiyento, mula P71 bilyon ngayong taon ay magiging P102.15 bilyon na sa susunod na taon.
“You can say that this is the beginning of the end of a funding drought,” sabi ni Recto.
Sinabi pa ni Recto na walong malalaking ahensyang pang-agrikultura na itinuring na mga korporasyon ng gobyerno ang magkakaroon din ng malaking pagtaas sa budgetary subsidy mula sa pambansang pamahalaan.
Mula P46.2 bilyo ngayong taon, ang subsidy para sa National Food Authority, Sugar Regulatory Administration, National Irrigation Administration, Philippine Rice Research Institute, Philippine Fisheries Development Authority, National Tobacco Administration, Philippine Coconut Authority, National Dairy Authority ay tataas ng P62 bilyon, o 33 porsiyento.
Sa walo, ang NFA ang may pinakamalaking pagtaas, 71 porsiyentong pagtaas mula P7 bilyon ay magiging P12 bilyon na magagamit nito para taasan ang buffer stock capacity nito mula 9 na araw hanggang 15 araw.
Habang ang SRA, na may nakalaang P1 bilyon, o mas mataas na 41 porsiyento mula sa kasalukuyang pondo nito na nasa P712.2 milyon.
At ang tinatawag na “DA Proper”, ang Office of the Secretary (OSEC), ay may P61 bilyon ngayong taon ay magiging P90.2 bilyon na o pagtaas ng 48 porsiyento o mas P29 bilyon.
Ang OSEC ay magpapatakbo ng National Rice Program na dodoble ang alokasyon mula P15.8 bilyon sa 2022 ay magiging P30.5 bilyon sa 2023.
Sa halagang ito ay P19.5 bilyon ang magpopondo ng suporta sa pataba na, ayon kay Recto, ay kinakailangan sa panahong ito na ang presyo ng pataba ay sobra-sobra ng presyo.
“When crops are denied of nutrients, the resulting low harvest deprives our people of nutrition. ‘Yan ang nangyari sa Sri Lanka,” ani Recto.
Sa ilalim ng plano ng DA, P5.2 bilyon ang ilalaan sa sektor ng mais, P5 bilyon sa mga hayop, P2 bilyon sa mga high value crops, at P5.2 sa pangisdaan.
“Maraming kulang. Mula asukal, isda, sibuyas, pati bigas. Our food import bill is rising. The steep rise in the cost of production inputs, from fertilizer to fuel, has lowered production while increasing food prices,” sabi nito.
