
NI NEILL ANTONIO
Umapela ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City sa mga nasasakupan nito na maging mapanuri sa mga balita at mga nababasa lalo na sa social media at huwag magpakalat ng mga maling impormasyon na maaaring pagsimulan ng pagkabahala o gulo.
Ito ang sinabi ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Ayong” Malapitan hinggil sa kumalat na balita na umano’y tangkang pagdukot sa isang bata sa Barangay 162.
Nabatid na matapos ang masusing imbestigasyon ng mga opisyal ng Barangay 162 at ng Caloocan City Police, napagtanto na walang katotohanan ang ulat na ito.
Ayon sa ulat ng barangay, maliban sa pagtatanong sa mga tao sa sinasabing pinangyarihan ng insidente at pagsusuri sa mga CCTV sa lugar, umamin na rin ang bata na walang naganap na tangkang pagdukot.
“Nakikiusap po tayo sa publiko na maging mapanuri sa mga balita at mga nababasa lalo na sa Facebook. Huwag din magpakalat ng mga maling impormasyon na maaaring pagsimulan ng pagkabahala o gulo,” apela pa ng alkalde.
“Bilang Ama ng Caloocan, tinitiyak ko po sa inyo na ginagawa ng inyong Pamahalaang Lungsod, katuwang ng Caloocan City Police sa pangunguna ni Police Colonel Samuel Mina, ang lahat upang manatiling payapa at ligtas ang buong Caloocan,” dagdag pa nito.
Una nang inatasan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang Caloocan City Police na paigtingin ang police visibility upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente nito at maiwasan ang anumang krimen.
Sinabi pa ni Malapitan na sa mga nais humingi ng tulong o reklamo, maaaring magpunta sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o barangay hall o tumawag sa hotline number ng Caloocan City Police na (02) 8362-3291; (Smart) 0949-822-8814; (Globe) 0995-261-2058.
