
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Manuel “Lito” Lapid na dapat tulungan ang mga Persons With Disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng pagbibigay ng P2,000 buwanang pensyon.
Sa pagdinig ng Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na pinamunuan ni Senador Imee Romualdez Marcos, sinabi ni Lapid na marapat lamang na bigyan ng prayoridad at halaga ang Senate Bill no. 31 na nagkakaloob ng pensyon sa mga may kapansanan.
Aniya, noong 2016, natuklasan sa National Disability Prevalence Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority na nasa 12% ng mga Pilipino na nasa 15-taong gulang pataas ay nakakaranas ng matinding kapansanan habang 47 porsiyento naman ang nakakaranas ng katamtamang kapansanan.
Paliwanag ng senador, sa panahon ng pandemya, higit na nahihirapan ang mga PWD na lalong naglubog sa kanilang pamumuhay dahil sa kapansanan, kahirapan, mababang antas ng edukasyon, kalusugan at kabuhayan.
“Marami na’ng mga panukala ang naisabatas, upang makatulong sa ating mga kababayan na PWD. Ang Magna Carta for Disabled Persons Act na naisabatas noong 2007, na nagbigay ng napakalaking tulong sa mga kababayan nating PWD, ngunit hindi ito sapat,” sabi ni Lapid.
“Ang nais natin ay maibsan kahit papaano ang pasanin ng ating mga kababayan na PWD. Sa panahon na kumakaharap tayo sa samu’t saring suliranin tulad ng bagyo, digmaan, lindol, pandemya at di maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, higit na kinakailangan natin kalingain ang ating mga kababayan na PWD,” dagdag nito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 31 na kilala rin bilang Monthly Social Pension for Indigent Persons with Disability Act, layon nito na itaguyod ang kapakanan ng mga PWD sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng buwanang pension na nagkakahalaga ng P2,000.00.
“Sa gitna ng krisis, higit na dapat maipapadama ng pamahalaan ang kalinga at tulong sa kanyang mga mamamayan. Ang halaga na kanilang matatanggap ay maaaring gamitin bilang tulong medikal, pang-therapy at ayuda na maaring magdulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Ang agarang pagpasa sa panukalang batas ay ating tinatanaw na maghahatid ng kagalingan sa kanilang pamumuhay na siya namang magbubunsod ng pambansang kaunlaran. Hinihiling ang pagkakaisa at pagtutulungan upang agarang maihatid ang kinakailangang tulong sa ating mga kababayang PWD,” ayon pa sa senador.
