Libreng pabahay sa mahihirap iginiit ni Senador Lapid

Senador Manuel “Lito” Lapid

NI NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Manuel “Lito” Lapid na kailangang solusyunan na ng pamahalaan ang problema sa kawalan ng sariling tahanan ng  mga Filipino partikular ang mahihirap na pamilya.

Ayon kay Lapid, isinusulong nito ang pagpasa sa  Senate Bill (SB) No. 1232, o ang Free Housing Through Usufruct Act of 2022, para mabigyan ng bahay ang mga mahihirap.

Sa ilalim ng SB No. 1232, binigyan-daan ni Lapid na ang programang pabahay sa mga benepisyaryo ay tatawaging usufructuary, kung saan ang estado ang mananatiling may-ari ng nasabing ari-arian.

 “Marami na tayong mga naging government housing programs pero ang mga pabahay na ito ay kadalasang tumatakbo sa ilalim ng prinsipyo ng pagbebenta ng mga pabahay sa mga benepisyaryo sa abot-kayang presyo na babayaran nila sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, sa maraming pagkakataon, ibinebenta ng mga benepisyaryo ang mga pabahay na iginawad sa kanila upang pagkakitaan sa halip na gamitin ang mga ito para sa kanilang mga pamilya. Taliwas ito sa layunin ng mga programa natin sa pabahay na nais bigyang tahanan ang bawat pamilyang Pilipino,” paliwanag ni Lapid.

Aniya, simula pa noong 1990 ay marami nang housing finance programs ang itinatag na may long term at low interest rate loans sa mahihirap na Filipino subalit nabigo dahil karamihan sa mga ito ay nagkaroon ng problema sa mortgage at mahinang koleksyon.

“Even with the existence of low-cost housing, which should be inexpensive, the same cannot still be afforded by the intended beneficiaries,” ayon sa senador.                 “Noon pa man, kahit na mayroong nang mga murang pabahay ang gobyerno, kadalasan ay hindi pa rin ito kayang bayaran ng mga benepisyaryo. Kaya ito pong ating isinusulong na panukalang batas ay layunin nang makapagbigay ng libreng pabahay sa mga mga kapus-palad at mga pamilyang Pilipinong walang tirahan, na walang anumang lupang pagmamay-ari saan man sa bansa, sa pamamagitan ng usufruct,” dagdag nito.

Leave a comment