
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang kanyang suporta sa bagong likhang Department of Migrant Workers (DMW) at bigyan ng malaking pondo para magamit sa pagsagip sa mga nangangailangang overseas Filipino workers (OFWs).
Sa deliberasyon ng budget ng Committee on Appropriations, sinabi ni Magsino na mahalagang bigyan ng malaking budget ang DMW at ibigay ang P3.5 bilyong pondo nito.
Tinukoy ng kongresista, ang tanging mambabatas na kumakatawan sa mga OFWs sa 19th Congress, na ang bigat ng mga tungkuling iniatang sa balikat ng DMW at ang laki ng burukrasya na kailangan nitong patakbuhin at pangangasiwaan.
Ang DMW na binuo sa ilalim ng Republic Act No. 11641, ay responsable sa proteksyon at karapatan ng mga OFWs at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng charter nito, ang mga sumusunod na ahensya ay pinagsama-sama at ang kanilang mga kapangyarihan at tungkulin ay nasa ilalim ng departamento kasam ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA); ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE); ang International Labor Affairs Bureau (ILAB) na nasa ilalim din ng DOLE; ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); ang National Maritime Polytechnic (NMP) na nasa ilalim din ng DOLE; at, ang Office of the Social Welfare Attaché (OSWA) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“With DMW’s creation comes a step closer to our vision where there is a dedicated agency that will ensure our OFWs are finally accorded the benefits of being hailed as our modern-day heroes, when their rights are effectively protected, and their welfare zealously pursued. However, the proposed P 3.5 billion budget of DMW is insufficient considering the multi-dimensional nature of its core mandates involving labor, foreign relations, training and education, as well as its demanding regulatory responsibilities,” paliwanag ni Magsino.
Ipinahayag din ng OFW party list solon na bagama’t kinikilala at iginagalang nito ang idineklarang budget priorities ng administrasyon, ang kapakanan ng milyun-milyong OFWs at kanilang pamilya ang dapat mauna, maliban pa sa bilyun-bilyong foreign exchange remittances na kanilang ipinadadala at ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
“Kailangan ng karampatang pondo para buong magampanan ng DMW ang mga iniatang sa kanilang tungkulin. Matagal nang kalat-kalat ang mga inisyatibo para sa OFWs kaya’t naging mabagal din ang mga reporma para sa mga pangangailangan ng OFWs. Ngayon na mayroon na tayong DMW, hindi natin dapat sayangin ‘yung momentum at oportunidad na mahabol ang pagpapatupad ng mga matagal nang inaasam na programa para sa ating mga mga tinatawag na bagong bayani at kanilang mga pamilya,” pahayag pa ni Magsino.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang palakasin ang mapagkukunan ng pondo para sa repatriation ng mga OFWs at upang mapahusay ang katatagan ng bansa laban sa mga potensyal na pagkabigla tulad ng mga pandaigdigang pandemya tulad ng kaso ng COVID-19, at gulo sa ibang bansa.
