Budget ng DPWH dagdagan — solon

Rep. Mujiv Hataman

NI NOEL ABUEL

Umapela ang isang kongresista sa Kongreso na dapat dagdagan at hindi bawasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mas maraming trabaho ang maibigay sa taumbayan.

Ito ang sinabi ni Basilan Rep. Mujiv Hataman sa deliberasyon ng P5.268 trillion national budget for 2023 kung saan P64.8 bilyon ang nabawas sa pondo ng DPWH para sa susunod na taon na malaking problema ang maidudulot.

“Alam natin ‘yung infrastructure sa DPWH, madaling maglikha ng trabaho sa distrito, sa munisipyo at sa probinsya. Malaking bilang ng trabaho rin ang nabawas sa ating kababayan dahil sa malaking slash ng budget ng DPWH,” sabi ng kongresista.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng national government sa Kongreso, mula sa panukala ng DPWH na pondo P717.31 bilyon, nabawasan pa ito ng 8.7 porsiyento sa P785.24 bilyong pondo nito ngayong taon.

Pag-uusisa ni Hataman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, sa kanyang sponsorship speech na ang prinsipyo sa pagbuo ng 2023 spending bill ay economic recovery.

“Kanina, binabanggit n’yo ‘yung infrastructure ay multiplier and engine ng ating economy, pero bakit dito sa NEP 2023 nagkaroon ng P68.4 billion slash sa budget ng DPWH? So ang ibig sabihin ba nito, malaki-laki rin ang nabawas sa GDP contribution ng infrastructure natin?” tanong ni Hataman.

Sagot naman ni Quimbo na ang infrastructure budget ay hindi lang sa DPWH subalit maging sa ibang ahensya.

 “Nakita ko rin iyun. Pero kung susumahin, medyo nakakapagtaka pa rin  ang bawas pagdating sa DPWH. Eh alam naman natin madam sponsor na tumaas ang ating poverty incidence, pero isa sana ‘yan sa makaka-address o makakatulong dahil magcre-create ito ng jobs,” sabi ni Hataman.

“At alam natin, tulad ho ng nabanggit namin sa inyo, sa aming distrito lalung-lalo na sa malalayong lugar, malaking trabaho ito para sa ating mga kababayan at makakatulong ito doon sa mahihirap nating kababayan na naging bahagi sa pagpapatupad ng infrastructure projects sa mga probinsya at distrito,” dagdag pa nito.

Leave a comment