
NI NOEL ABUEL
Masayang-masaya si Senador Manuel “Lito” Lapid at sa loob ng 12-taon ay tuluyan nang napirmahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9999, o ang Free Legal Assistance Act of 2010 na ipinanukala nito.
Sa plenaryo ng Senado, pinasalamatan ni Lapid si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa paglagda nito sa nasabing batas at maging ang mga kapwa nito mambabatas sa suporta.
Gayundin, hindi nakalimutan ni Lapid na pasalamatan sina Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno at Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Lilia Guillermo dahil sa pagprayoridad sa IRR.
“Sa wakas, nakamit na natin ang tagumpay sa pagpapatupad ng ating batas. Halos labing dalawang taon po mula nang mapirmahan ang Lapid Law bilang batas, ang Implementing Rules and Regulations o ang IRR nito ay napirmahan na noong Setyembre 8,” sabi ni Lapid.
“Isa itong landmark victory para sa ating mga kababayan na lubos na nangangailangan ng libreng serbisyong legal. Abot-kamay na nila ang free legal services sakaling sila ay mangailangan nito,” aniya pa.
Nabatid na ang Free Legal Assistance Act of 2010, ay naglalayong hikayatin ang mga abogado at professional firms na magbigay ng free legal services sa mga mahihirap na walang kakayahang magbayad ng serbisyo ng abogado.
Gayundin, sa RA 9999 o ang ‘Lapid Law’, sa pamamagitan nito ay mababawasan ang tambak na trabaho ng Public Attorney’s Office (PAO).
Hulyo 11 ng kasalukuyang taon, nang sumulat si Lapid kay Guillermo na humihiling na iprayoridad ang IRR ng RA No. 9999 mula sa BIR na pinagbigyan ng huli.
