
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala si Senador Raffy Tulfo sa kasalukuyang panganib sa pambansang seguridad ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng imprastraktura at teknolohiya ng bansa upang labanan ang hackers at cyberattacks.
Sa pagdinig ng Finance Subcommittee sa panukalang 2023 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga kalakip nitong ahensya noong idiniin ni Tulfo na mahina ang depensa ng Pilipinas laban sa cyberattacks mula sa mga dayuhang bansa na itinuturing tayong mga kaaway.
“I fear for my country, I fear for our people, I fear for my family, na baka isang umaga ay magigising tayo na iba na ang takbo ng Pilipinas. It is possible for foreign hackers to launch widespread cyberattacks to countries they perceived as enemies to create chaos,” ani Tulfo.
Sinabi ito ng mambabatas matapos kumpirmahin ng mga kinatawan ng DICT at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na mahina ang depensa ng Pilipinas laban sa cyberthreats.
Unang binalaan ni Tulfo ang DICT at CICC laban sa tinatawag na “watering hole” technique, na ginagamit ng mga hackers upang makahawa ng virus sa mga computer ng targets.
Nagbabala rin ito laban sa isang virus na tinatawag na “zombies,” na dati nang umatake sa mahigit 730,000 American computers kung saan ginawa nitong tila slaves ang computers upang magamit sa cyberattacks.
Sinabi rin ni Tulfo ang grupo ng mga hacker na tinatawag na Hidden Lynx, na suspek sa mga high-profile cyberattacks sa buong mundo. Inatake na nito ang mga tech companies tulad ng Google, mga financial service providers, defense contractors, at mga ahensya ng gobyerno.
Dahil sa mga ito, sinabi ni Tulfo na dapat maging mas maingat sa pagbili ng mga computers mula sa mga dayuhang bansa.
