
NI NOEL ABUEL
Mananatiling matibay na relasyon ng Pilipinas at ng Estados Unidos kasunod ng pagpupulong nina US President Joe Biden at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni House Speaker Martin G. Romualdez kung saan kabilang sa tinalakay ng dalawang lider ang economic, defense, cultural, at investment cooperation.
“The productive meeting augurs well for the overall relations between our two countries,” sabi ni Romualdez, na kasama ni Marcos nang magkausap sila ni Biden.
“I can see the meeting fostering an improved bilateral partnership in those areas,” aniya pa.
Binanggit ni Romualdez ang panawagan ng Pangulo para sa mga negosyanteng Amerikano na gumawa ng higit pang negosyo sa Pilipinas.
“We need more investments to create jobs and income and improve the lives of our people,” sabi nito.
Sinabi ni Romualdez na mayroong ilang mga lugar kung saan maaaring mamuhunan ang mga kumpanya ng US, kabilang ang manufacturers, power generation at iba pang imprastraktura, pagbuo ng kuryente, at private-public partnership projects.
“As President Bongbong Marcos has said, we now have an improved investment climate in the Philippines,” giit nito.
Ayon sa Bangkok Sentral ng Pilipinas, ang pangunahing pinagmumulan ng foreign direct investments (FDIs) ng bansa ay Singapore, Japan, United States, at Netherlands.
Iniulat ng BSP ang naitalang mataas na FDI inflows na $10.518 bilyon noong 2021, na sinabi nitong sumasalamin sa pagpapabuti ng sentimiyento sa pamumuhunan nang magsimulang makabangon ang bansa mula sa coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.
Ayon pa sa BSP, ang 2021 inflows ay nalagpasan ang naitala noong 2017 na $10.3 bilyon at ang FDIs sa pagitan ng Enero hanggang Mayo ngayong taon na umabot sa $4.2 bilyon, 18.8 porsiyentong mahigit sa naitala noong kahalintulad na panahon ng 2021.
Sinabi pa ni Romualdez na sa kabila ng pagbuti ng FDI inflows, kinakailangan pa rin ng Pilipinas ang mas maraming investments mula sa US at sa iba pang economic partners.
“We have to attract more foreign capital because we are a bigger market than other smaller nations in our region,” aniya pa.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa mga negosyanteng Americano na hindi nito maiisip ang kinabukasan ng Pilipinas kung wala ang US bilang katuwang nito.
