
NI JOY MADELINE
Isinusulong ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na makilalang Motorcycle Capital ng National Capital Region (NCR) ang lungsod dahil na rin sa dito matatagpuan ang pinakamaraming ibinebentang motorsiklo.
Ito ang sinabi ng alkalde kasabay ng pagdiriwang ng Tourism Week ng lungsod kung saan pinamagatan itong ‘Arangkada Motorsiklo’ kung saan sinabi ni Malapitan na sa Caloocan makikita ang lahat ng uri ng motorsiklo, mula sa parts at accessories.
“Nais natin makilala pa tayo bilang Motorcycle Capital. Sa pagdiriwang ito, makikita ng mga negosyante at motorcycle enthusiasts ang ating dedikasyon na maging bahagi ang pagmomotorsiklo ng pagiging Batang Kankaloo,” sabi nito.
Pinangunahan ng Cultural Affairs and Tourism Office (CATO) ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng motorcycle parade sa kahabaan ng 10th Avenue Ext. Hanggang sa B. Serrano St., na ipinakita ang iba’t ibang gusali at magagandang imahe.
Nagkaroon din ng festival dance competition na “Festiv-Aliwan sa Caloocan,” kung saan nagtagisan ng galing ang mga sumali.
Sinamantala rin ng mga motorcycle enthusiast ang discount sa mga motorcycle parts and accessories, at test drive booth at iba pang aktibidad.
