Implementasyon ng LPG Law tiniyak ng DOE

Nagpakuha ng larawan ang mga miyembro ng LPG industry na sina (mula sa kaliwa) Atty. Shinji Alcantara (Regasco), Brian Joven (SPI), Atty. Sinforoso Pagunsan (LPGMA), Edward Tan (Liquigaz), Tonito Gonzales (Solane), Atsushi Onishi (Solane), Virgilio Centeno (Petron Gasul), Arnel Ty, DOE Sec. Raphael Lotilla, Usec. Alessandro Sales, at Andrew Tan (Petron Gasul) matapos ang pagpupulong ng mga ito.

NI NOEL ABUEL

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na tutuparin nito ang pangako na ipapatupad at iimplementa ang LPG Industry Regulation Act o ang Republic Act No. 11592.

Sa ginanap na pagpupulong ng mga miyembro ng liquefied petroleum gas (LPG) industry noong Setyembre 30, sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na nakatuon ang DOE na suportahan ang buong pagpapatupad ng LPG Regulation Act na nilagdaan bilang batas noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Nakasaad sa nasabing batas na i-regulate ang LPG industry upang matiyak ang proteksyon ng mga consumer laban sa mga maling gawain gayundin ang magsagawa ang pagrereporma sa umiiral na standards of conduct and codes ng kasanayan para sa industriya ng  LPG.

Ipinabatid din ni Lotilla sa LPG industry na may tatlong natitirang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas na naaprubahan at pipirmahan na sa mga susunod na linggo.

Ang nasabing IRR ay para sa license to operate; cylinders exchange, swapping and improvement program; at rules and procedures para sa administrative cases.

Inirekomenda rin ni Lotilla ang pagbuo ng isang task force na bubuuin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP), at ang local government unit (LGU)  upang madagdagan ang kakulangan ng DOE sa field personnel at upang agad na pigilan ang mga paglabag sa LPG industry.

Kasama rin sa dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng LPG Marketers’ Association (LPGMA), LPG Industry Association (LPGIA), Petron Gasul, Solane of Isla Petroleum, Phoenix LPG, South Pacific Inc. (SPI), Regasco, Pascal Resources, Brenton, Liquigaz, at Ferrotech Steel.

Pinasalamatan ng  mga ito si Lotilla sa pangako nito na magbibigay ng suporta para sa pagpapatupad ng LPG Regulation Act.

Leave a comment