
NI NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon palabas ng Pilipinas ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 372 foreign nationals na karamihan ay Chinese nationals na pawang nakakulong dahil sa samu’t saring paglabag sa Philippine Immigration Law.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, isinasaayos na lamang ng BI ang mga papeles para ipa-deport ang mga nasabing dayuhan na kinabibilangan ng 331 Chinese nationals at 41 iba pang dayuhan na nahuli sa magkakahiwalay na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) sa Pasig at Angeles noong nakaraang buwan.
Ang 43 dayuhan ay nasa pangangalaga ngayon ng BI habang ang nalalabi pang dayuhan ay nasa kustodiya ng NBI at PNP.
Naglabas na ang BI Board of Commissioners ng summary deportation order sa 372 dayuhan at isinasapinal na ang papeles para maibalik na ang mga ito sa kani-kanilang bansa.
Ayon sa BI, nakikipag-ugnayan na ito sa NBI at sa Chinese Embassy, at humihiling na bilisan ang pagpapalabas ng kinakailangang dokumento upang agad na maitakda ang pagbiyahe ng mga ito kung saan ang gastos sa pamasahe ng mga dayuhan ay sagot ng mga deportees.
Samantala, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na sinimulan na rin nito ang pagkansela sa visa ng nasa 48,782 aliens na nagtatrabaho sa mga kumpanya at service providers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na kinansela na ang authority to operate ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Upon receipt of the information from PAGCOR, we immediately started cross-checking their employees to determine which ones are still in the country. While this is a laborious task as we have to check each and every record, we are confident that this could be completed in a month,” paliwanag ni Tansingco.
Paliwanag pa ni Tansingco, sa sandaling maipatupad ang visa cancellation, ang mga POGO workers ay agad na inaatasang umalis ng Pilipinas sa halip na sumailalim sa deportation.
“This is the regular procedure for cancelled visas, and this is actually more economical and faster, as the costs for their departure will be shouldered by the aliens themselves,”aniya.
“In visa cancellation, aliens are given 59 days to depart the country. If they fail to leave, it is then that we initiate deportation proceedings,” ayon pa kay Tansingco.
Nilinaw naman ng BI na ang mga foreign nationals na may valid visas at sumusunod sa Philippine laws ay hindi dapat mag-alala dahil ang mga tinatarget ng ahensya ay ang mga illegal aliens at ang mga lumalabag sa batas.
