Norwegian pedophile, Sino pyramid scammer arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Norwegian pedophile at isang Chinese pyramid scammer sa magkahiwalay na operasyon sa Manila at Pampanga.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang nadakip na Norwegian national na si Karstein Kvernvik a.k.a. Krokaa Karstein Gunnar, 50-anyos, na sinasabing sangkot sa pangmomolestiya sa mga menor-de-edad sa bansa nito.

 Nabatid na naaresto Kvenvik noong nakalipas na Setyembre 24, sa tahanan nito sa Sameerah Subd., Angeles City, Pampanga ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.

Ayon kay Tansingco, si Kvenvik ay isang high profile fugitive na kinasuhan ng multiple sex-related crimes sa Norway.

Base sa impormasyon mula sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila si Kvenvik ay may warrants of arrest na inilabas ng Salten and Lotofen District Court sa Norway noong Hunyo  20 2022 kaugnay ng aggravated sexual assault at sangkot sa sexual activity sa mga kabataan na nasa 14-anyos na paglabag sa Norwegian laws.

Samantala, nakilala naman ang Chinese fugitive na si Fu Qihao, 44-anyos, ay naaresto ng mga tauhan ng FSU agents noong Setyembre 23 sa Malate, Manila.

May arrest warrant na inilabas ang public security bureau sa Shanghai, China hinggil sa umano’y pagpapatakbo nito ng investment pyramid scam na nambibiktima sa mga kababayan nito.

Sinabi ni Tansingco na sina Kernvik at Fu ay agad na ipatatapon pabalik ng kanilang bansa dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens matapos bawiin ang pasaporte ng mga ito ng kanilang mga gobyerno.

Kasalukuyang nakadetine ang dalawang dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagpapatapon pabalik ng kanilang bansa.

Leave a comment