
Ni NOEL ABUEL
Tahasang kinondena ni Aurora Rep. Rommel Angara ang nangyaring pag-ambush sa dating board member at naging vice mayor ng munisipalidad ng Dipaculao, Aurora na ikinasawi nito at ng dalawa pang kasama.
“Malungkot kong ibinabalita ang nangyaring insidente na naging sanhi ng pagpanaw ng ating kababayan na si dating bokal at dating vice mayor Narciso Amansec,” sabi ni Angara.
Sinabi ng mambabatas na marahas na pinaslang na walang kalaban-laban ang dating vice mayor sa Brgy. Dibutunan kasama ang dalawa pa lulan ng kanilang sasakyan na di pa nakuha ang pagka-kakilanlan.
“Mariin kong kinokondena ang walang-awang pagpaslang sa isang kaalyado at kaibigan. Hindi maaaring kunsintihin ang anumang karahasan at kawalang katarungang kagaya nito, lalo na dito sa probinsya ng Aurora. Sana po ay ito ay agarang masolusyonan upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at tinatawagan ko ang ating mga law enforcement agencies na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng may sala” pahayag ni Angara.
“Ang mga ganitong pangyayari ay walang lugar dito sa ating lipunan at kailangang ikondena ng naaayon sa batas. Ipinaaabot ko ang aking lubos na pakikiramay sa naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga naging biktima. Paalam Nar!” dagdag pa ng mambabatas.
Base sa nakalap na impormasyon, ang napaslang na dating vice mayor at board member ay tumakbo bilang vice governor ng Aurora province kung saan buong tapang nitong ibinulgar ang umano’y ilegal na pag-imprenta ng election materials ng kasalukuyang gobernador na si Jerry Noveras, sa kasalukuyan habang dinidinig ang kaso sa local prosecutors office na inihain ng biktima laban sa gobernador.
