
NI NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang African nationals na nagtangkang pumasok sa bansa gamit ang pasaporte bilang Canadian citizens.
Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco kay BI port operations chief Atty. Carlos Capulong, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nasabing mga dayuhan noong Setyembre 25 sakay ng Emirates flight EK 336 mula Dubai.
Sinabi ni Capulong na nang dumaan sa immigration counters ang dalawang dayuhan ay nagpakita ang mga ito ng Canadian passports kung saan nang sumailalim sa BI’s forensic documents laboratory ay natuklasang peke ito.
Kinilala ni Tansingco ang dalawang dayuhan na sina Adraman Issa Mariam at si Halime Abba Souleymane, na pawang mula sa central African republic of Chad.
“Apparently, they attempted to conceal their true nationality in the belief that they would be allowed entry into the country without being subjected to strict inspection by our officers. They are wrong to assume that such documents can pass as legitimate,” sabi ni Capulong.
Dahil dito, iniutos ni Tansingco ang agarang pagsasailalim sa immigration blacklist ang nasabing mga dayuhan upang hindi na makapasok ang mga ito sa Pilipinas.
“I commend our officers at the NAIA for a job well done. Due to their vigilance, we were able to frustrate the intentions of these undesirable aliens to gain illegal entry into our country,” sabi ng BI chief.
Agad ding pinabalik ang nasabing mga dayuhan mula sa pinanggalingan ng mga ito at hindi na pinayagang makapasok sa bansa.
