BSP, NEDA at PSA pinaiimbestigahan sa palpak na National ID system

Rep. Bernadette Herrera

NI NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa Kamara ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA), at ang Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa kabiguan ng national ID system.

Sa inihaing House Resolution 471 ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera, nais nitong palitan ang liderato ng PSA dahil sa kabiguan nitong ipatupad ang Philippine Identification System (PhilSys) na dapat na mapabuti ang pagkakaloob ng maayos na public services.

“An accountability mechanism must be established to allow a closer look into what went wrong, or what may still be improved, in the implementation of the national ID system,” sabi ni Herrera.

Sa Republic Act 11055, ang PhilSys project ay naglalayong makatulong para sa mga mahihirap, sa mga nakatira sa malalayong lugar at disadvantaged areas, indigenous peoples, at persons with disabilities.

Noong COVID-19 pandemic na nakaapekto sa bansa noong 2020, iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na agad na iimplementa ang PhilSys project upang matukoy ang mahihirap na pamilya at mabigyan ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Inatasan ang BSP na maglabas at mag-deliver ng 116 million pre-personalized IDs mula taong 2021 hanggang 2023 ngunit ayon sa Commission on Audit (COA), mula Disyembre 31, 2021, aabot pa lamang sa 27,356,750 pre-personalized cards o 76 porsiyento ng 36 milyong kinakailangang bilang ng IDs para sa nakaraang taon.

Bago nito, sinabi ng COA na nakapaghatid lamang ang BSP ng 8,764,556 personalized cards, na napakalit na 17.53 porsiyento ng 50 milyong kinakailangang bilang ng mga IDs para sa calendar years 2020 at 2021.

Idinagdag pa ni Herrera  na maliban sa pagkaantala na maabot ang quota sa bilang ng ID cards, may mga  reklamo rin na hindi tama ang personal information at malabong larawan sa ID cards at ang mga ID ay hindi na mabasa matapos ang tatlong buwan.

Binanggit din ng mambabatas ang mga ulat na hacking, na humantong sa pangamba ng ilan na malagay sa alanganin ang personal data.

Magugunitang una nang kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan na ibinigay ang kontrata sa isang dayuhang kumpanya para sa national ID system na may masamang rack record.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms, na ang Indian firm Madras Security Printers at ang Philippine partner nitong Mega Data Corporation ang tanging kuwalipikadong bidder sa Philippine identification system (PhilSys) project subalit ang bidding regulations ay nabago.

Sa datos ng pamahalaan, sinabi ni Herrera na tanging 21 milyong Filipino pa lamang ang nakatanggap ng national ID cards mula sa mahigit sa 70 milyong nagparehistro at nabigo ang pamahalaan na maabot ang target nito na 92 million cards bago ang buwan ng Hunyo 2023.

Ayon sa COA, nasa 27.3 milyong ID cards pa lamang ang naipadala ng PhilSys contractor AllCard simula Disyembre ng nakalipas na taon na mababa sa 36 milyon na annual delivery requirement.

Natukoy rin ng audit body na sa kabuuang P28.4 billion na inilaan sa PhilSys project, tanging P6.8 bilyon lamang ang inilaan noong 2018.

Leave a comment