
Ni NOEL ABUEL
Dahil sa patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain sa Pilipinas, sinabi ni MAGSASAKA party-list Rep. Robert Nazal na dapat unahing solusyunan ang kawalan ng pagkain sa agenda ng 19th Congress at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Nazal na ang unang hakbang na mahalaga upang matugunan ang problema ay ang pagbuo ng isang framework law na kumikilala sa karapatan ng mga Filipino sa sapat na pagkain.
“Ang sapat na pagkain ay karapatan ng bawat Pilipino,” sabi ni Nazal, na kinilala ng Commission on Elections (Comelec) bilang qualified nominee ng party-list group bilang kinatawan ng mga magsasakang Filipino sa Kongreso.
Sinabi ni Nazal, isang kilalang negosyanteng pang-agrikultura, na ang legislative framework ay kritikal upang matiyak ang accessibility at affordability ng pagkain sa bansa.
“Now more than ever, food security is in the public’s eye with the recent surge in prices after a couple of years of pandemic. Indeed, rising prices and a still recovering economy serve as headwinds for our country’s fight for the right to adequate food,” giit nito.
Sinabi ni Nazal na maghahain ito ng panukalang batas na nagbibigay ng pag-asa para sa karapatan sa sapat na pagkain upang matulungan ang gobyerno na matugunan ang mga isyu ng kawalan ng seguridad sa pagkain, pagtaas ng antas ng kagutuman, at malnutrisyon.
Inihalimbawa nito ang pinakabagong survey ng Social Weather Stations na nagpapakita na 11.6 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang 2.9 milyon ang nakaranas ng gutom at walang makain kahit isang beses sa ikalawang bahagi ng 2022.
Ang bilang na ito ay resulta mula sa epekto ng nakalipas na dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic, ang kasalukuyang digmaan sa Ukraine, ang pagbagsak ng Philippine peso, at ang lumalaking populasyon, at marami pang iba.
Ayon kay Nazal, ang pagtatatag ng legal framework para sa karapatang magkaroon ng sapat na pagkain, pagkakatugma o pagtuunan ng iba’t ibang batas, patakaran at regulasyon—kabilang ang Republic Act 8435 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 upang matugunan at maalis ang gutom sa isang organisadong paraan.
“The target is that within a 10-year period, there shall be zero incidence of hunger in the country,” ani Nazal.
