Pagpapahusay sa kasanayan at kapakanan ng manggagawa pinagtibay sa pagpupulong ng ASEAN+3

DOLE Sec. Bienvenido Laguesma

Ni NERIO AGUAS

Muling pinagtibay ang kooperasyon ng 10 ASEAN member-states (AMS) para higit na maitaas ang kagalingan ng mga manggagawa at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa disenteng trabaho sa rehiyon.

Sa pangunguna ng Pilipinas, hiniling ng 10 ASEAN member-states (AMS) ang higit na kooperasyon mula sa tatlong dialogue partner nitong China, Japan at Korea (+3).

Bilang tagapangulo sa 20th ASEAN Plus Three Labor Ministers’ Meeting (ALMM+3) na ginanap noong Oktubre 29 sa Maynila, nakipagpulong si Department of Labor and Employment (DOLE) Bienvenido E. Laguesma sa iba pang kalihim ng paggawa ng ASEAN+3 upang bigyan-diin ang kahalagahan ng kooperasyong pang rehiyon sa paggawa sa gitna ng mga hamon at bagong banta dulot ng patuloy na epekto ng pandemya, pagbabago ng klima, digitalization at inflation.

“Ang mas malawak na arena ng pakikipagtulungan sa pag-unlad ay magbibigay-daan sa atin upang makahanap ng mga paraan kung paano tayo makakasulong sa pagtugon sa nagpapatuloy na alalahanin sa pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at ang kalagayan ng trabaho para sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Laguesma sa ASEAN+3.

Nangunguna sa agenda ng pagpupulong ang pagtitiyak na ang mga manggagawa sa ASEAN ay maaaring makipagsabayan sa kasalukuyang mundo ng paggawa sa pamamagitan ng pagtataas sa kasanayan ng mga manggagawa.

Ayon sa kalihim, ang pag-unlad sa kasanayan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng technical-vocational education and training ay mahalaga sa pagtataguyod ng disente at kapaki-pakinabang na trabaho sa gitna ng digital transformation sa ASEAN work landscape.

Samantala, sumang-ayon din ang mga kalihim ng paggawa ng ASEAN+3 na higit pang makipagtulungan sa larangan ng pagnenegosyo, na nakatuon sa pagsulong ng green at digital sector, bilang prayoridad para sa pagsusulong ng napapanatili, sama-sama at digitalized na pag-unlad at paglago sa rehiyon.

Dahil sa inflation at kakulangan sa suplay ng pagkain na nakakaapekto sa kinikita at kapakanan ng mga manggagawa, ang mga miyembro ng ASEAN, at sa suporta ng China, Japan at Korea, isasagawa ang modernisadong agrikultura upang matiyak ang seguridad sa pagkain at makalikha ng mas kapaki-pakinabang na mga oportunidad sa trabaho para sa mga manggagawa sa ASEAN.

Leave a comment