
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng malakas na paglindol ang lalawigan ng Cagayan at ilang lalawigan sa Luzon ngayong hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa datos ng Phivolcs, dakong ala-1:34 ng hapon nang maitala ang magnitude 5.0 na lindol sa nakita sa layong 008 km timog kanluran ng Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan.
May lalim itong 012 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity V sa buong Calayan, Cagayan habang intensity IV naman sa Claveria, Sanchez Mira, Pamplona at Santa Praxedes, Cagayan; at Pagudpud, Ilocos Norte.
Intensity III naman sa Santa Marcela, Pudtol, Calanasan, at Luna, Apayao; Abulug, Ballesteros, Enrile, Allacapan, at Aparri, Cagayan; at Pasuquin, Ilocos Norte.
Naitala naman ang intensity II sa Lal-lo, Buguey, Lasam, Peñablanca, Tuguegarao City, at Camalaniugan, Cagayan; Bacarra, Ilocos Norte at intensity I sa Sinait, Ilocos Sur.
Samantala, sa instrumental intensities, naitala ang intensity III sa Claveria, Cagayan; Pasuquin, Ilocos Norte; intensity II sa Peñablanca, Cagayan; Laoag City, Ilocos Norte at intensity I sa Gonzaga, Cagayan; Batac City, Ilocos Norte; Sinait, Ilocos Sur.
Inabisuhan ng Phivolcs ang nasabing mga lalawigan na mag-ingat lalo na at may inaasahang aftershocks sa mga susunod na araw.
Kahapon, dakong alas-8:03 ng umaga nang maitala ang magnitude 5.5 na lindol sa lalawigan ng Davao Occidental.
Natukoy ang sentro ng lindol sa 335 km timog kanluran ng Balut Island, sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental at may lalim na 269 km at tectonic ang origin.
