
NI NERIO AGUAS
Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matatapos sa unang bahagi ng 2023 ang 25 kilometrong Central Luzon Expressways.
Sa report na tinanggap ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan kay Senior Undersecretary Emil K. Sadain, ang expressway project sa Central Luzon na mag-uugnay sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX)/Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Tarlac City, Tarlac, tinitiyak na magagamit na ang nasabing kalsada hanggang sa San Juan, Aliaga, Nueva Ecija.
Ayon kay Sadain, isinasaayos na ng DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster 1 (DPWH-UPMO RMC1) ang pagtatapos ng karagdagang 7 kilometer segment mula sa Guimba-Aliaga Road intersection hanggang San Juan Interchange na magpapalawig sa 25 kilometro na accessible sa 18-kilometer section ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX).
Aniya, nagtutulungan ang DPWH UPMO RMC 1 team sa mga kontrator at consultants upang malagpasan ang mga hamon sa proyekto kabilang ang masamang panahon, right of way issues, pahirapan sa pagdadala ng construction materials, at ang epekto ng Covid-19 na nakadagdag sa pagkabalam.
Maliban sa 4-lane two (2)-way expressway na may disenyong bilis na 100 kilometers per hour, sinabi ng DPWH na inaayos na rin ang pagtatayo ng 3 interchanges kabilang ang Zaragoza, Aliaga at San Juan upang payagan ang mga motorista na nasa secondary at provincial roads na makadaan sa CLLEX.
Sa sandaling matapos ang proyekto, ang 30-kilometer CLLEX Project ay magdudulot ng mabilis, ligtas at maayos na transportasyon sa Central Luzon dahil sa mahalaga ang east-west link sa expressway network ng Region 3 upang masiguro ang tuluy-tuloy na mabilis na takbo ng mga motorista mula Metro Manila at vice versa na dadaan sa NLEX, SCTEX/TPLEX.
Ayon pa sa DPWH, bahagi ng proyekto na masolusyunan ang traffic congestion at mapabilis ang travel time na 70 minuto sa pagitan ng Tarlac City at Cabanatuan City ng hanggang 20 minuto.
Nabatid pa na ang proyekto ay isa sa key infrastructures na may pondo mula Government of Japan thru Japan International Cooperation Agency (JICA) at kasama sa Luzon Spine Expressway Network projects na naglalayong mabawasan ang travel time mula northernmost part ng Luzon, Ilocos, hanggang sa southern most part, Bicol, ng mahigit sa 50 porsiyento sa pamamagitan ng konstruksyon ng nasabing high standard highway network.
