
Ni NOEL ABUEL
Pinasalamatan ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nilagdaan nitong Republic Act No. 11937 na nagbibigay ng Filipino citizenship kay Ginebra import Justin Brownlee.
“Nagpapasalamat po ako kay Pangulong Marcos sa pagpirma ng batas na nagbibigay ng Filipino citizenship kay Justin Brownlee,” sabi ni Go.
“Naniniwala po ako na deserving siya ma-naturalize kasi naka-blend in na siya hindi lang sa basketball team natin kundi pati na rin sa kultura ng Pilipino. I am sure napamahal na siya sa mga Pilipino, and ang mga Pilipino ay napamahal na din sa kanya,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Sports.
Ang batas ay magkakabisa kaagad pagkatapos na mai-publish sa mga pahayagan na may malawak na sirkulasyon o sa official Gazette.
“To Mr. Brownlee, nawa’y patuloy mong isapuso ang pagiging isang Pilipino. Mahalin mo ang Pilipinas at isapuso ang tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na magsilbi sa bayan at unahin ang interes ng Pilipinas,” sa habilin ng senador.
Ang citizenship bill, na co-sponsored si Go, ay inaprubahan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong nakaraang buwan, partikular na para maging kuwalipikado si Brownlee na kumatawan sa Gilas Pilipinas bilang naturalized player.
Nabatid na umaasa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makakapaglaro na si Brownlee Gilas Pilipinas sa Asian qualifiers sa FIBA Basketball World Cup sa susunod na buwan.
Tiwala si Go na dahil kay Brownlee ay maaaring palakasin ang pagkakataon ng bansa sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon kabilang ang nalalapit na FIBA World Cup.
“Sana ay pumasok tayo sa Final Eight at manalo. Suportahan natin ang ating koponan. Ang panalo ng ating national team(Gilas Pilipinas) ay panalo ng buong sambayanan,” sabi ni Go.
Ang bansa ay magiging co-host ng kompetisyon kasama ang Japan at Indonesia, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10 ngayong taon.
Magho-host din ang bansa sa huling yugto ng kompetisyon.
