Magna Carta on Religious Freedom Act pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlong pagbasa ang Magna Carta on Religious Freedom Act o House Bill (HB) No. 6492 na nagbabawal sa gobyerno o sinumang tao na pasanin, pigilin, o manghimasok sa karapatan ng isang tao na gamitin ang kanyang paniniwala sa relihiyon, kalayaan, at kalayaan maliban kung ang kilos ay magreresulta sa karahasan o kung kinakailangan upang protektahan ang publiko.

Sa botong 256 pabor at isa ang tumutol at tatlo ang abstain, ipinasa ang nasabing mahalagang panukala.

“It is the declared policy of the State to protect and uphold the fundamental and inalienable right of every person to freely choose and exercise one’s religion and beliefs and to act and live according to one’s conscience,” ayon sa panukala.

Pahayag pa ng mga kongresista, ang naturang karapatan ay ginagarantiyahan sa ilalim ng Section 5, Article III ng Konstitusyon at iba pang international human rights instruments kung saan ang Estado ay isang partido o na ito ay sumusunod dito, kabilang ang Universal Declaration of Human Rights, ang International Covenant on Civil Covenant on Civil and Political Rights at ang Declaration on the Elimination on All Forms of Intolerance at Discrimination Based on Religion and Belief.

“The right of every Filipino to profess, practice, and propagate religious beliefs must always be recognized, respected, allowed, and protected,” ayon sa mga pumabor sa panukala.

Ang HB 6492 ay kabilang sa ilang panukala na naisalang sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na naipasa sa unang araw ng pagbabalik ng sesyon sa Kongreso matapos ang Christmas break.

Kabilang sa principal authors ng nasabing panukala sina Camarines Sur Reps. Luis Raymund “Lray” F. Villafuerte, Jr., Miguel Luis R. Villafuerte, Tsuyoshi Anthony G. Horibata at Gabriel H. Bordado, Jr.; BICOL SARO Party List Rep. Nicolas V. Enciso VIII, CIBAC Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva, Manila Rep. Bienvenido M. Abante, Jr., Tarlac Rep. Noel “Bong” N. Rivera, Maguindanao at Cotabato Rep. Bai Dimple I. Mastura, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.

Leave a comment