
Ni NERIO AGUAS
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Japanese national na wanted sa bansa nito nang tangkaing mag-renew ng tourist visa sa BI satellite office sa SM Aura, Taguig.
Sa ulat na ipinadala ni BI SM Aura Alien Control Officer Evita Mercader kay BI Commissioner Norman Tansingco, dinakip ang nasabing dayuhan na si Terashima Haruna, 27-anyos.
Nabatid na si Terashima ay nagtangkang mag-renew ng tourist visa subalit nang isailalim sa inspeksyon ay natuklasang may deportation case laban dito.
Sa record ng BI, ipinarating ng Japanese authorities na pinaghahanap ang nasabing dayuhan dahil sa may arrest warrant na inilabas laban dito ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 2022 dahil sa kasong theft, na isinasaad sa Japanese Penal Code.
Sinasabing si Terashima, kasama ang iba pang mga kasabwat nito ay iniulat na nagpanggap na mga pulis at isang empleyado ng Japan Ministry of Finance upang magnakaw ng mga ATM cards.
Kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dayuhan habang inihahanda ang resolusyon sa deportation case laban dito.
