
Ni NOEL ABUEL
“Nakakahiya at nakakagalit.”
Ito ang sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng nangyaring pagnanakaw sa isang Thai tourist ng ilang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS).
Ayon kay Romualdez hiniling nito ang pagkakaroon ng pagpupulong ng Kamara at ng Department of Transportation (DOTr) upang talakayin ang nangyaring insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), naging dahilan upang lumabas na kahiya-hiya ang bansa sa mga dayuhan.
Irerekomenda aniya nito sa DOTr na tanggalin ang lahat ng tauhan ng OTS.
“Paano tayo makakahikayat ng mga turista sa ating bansa kung mga magnanakaw ang ilang mga nagbabantay sa airport natin,” ayon kay Romualdez.
“Attracting tourists should be a priority, and an incident such as this does not help us in encouraging visitors to our country,” dagdag nito.
Sinabi ni Romualdez na irerekomenda nito kay DOTr Sec. Jaime Bautista ang pagpapalit sa lahat ng OTS personnel sa airport ng mga tapat at propesyonal.
Gayunpaman, iminungkahi ni Romualdez na payagan na lamang ng DoTR ang mga tauhan ng OTS na may malinis na record sa trabaho a na muling mag-aplay para sa kanilang mga puwesto.
“It sounds a bit extreme, but circumstances call for extreme measures. If government personnel commits criminal acts against foreign visitors, the minute they landed at the airport, it says a lot about our country. So, it needs to be addressed sternly,” ayon pa sa lider ng Kamara.
Sa muling pag-aaplay, sinabi ni Romualdez, ang mga kuwalipikasyon ng mga tauhan ng OTS ay dapat na sumailalim sa pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko at, kung kinakailangan, isailalim ang mga ito sa isang lie detector test at muling pagsasanay bilang mga new recruits.
