Davao De Oro binulabog ng malalakas na paglindol

NI MJ SULLIVAN

Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang lalawigan ng Davao De Oro kahapon ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa datos ng Phivolcs, dakong alas-4:43 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 5.3 na lindol sa New Bataan, Davao De Oro na sentro ay natukoy sa layong 22 km timog silangan ng nasabing bayan.

May lalim itong 002 km at tectonic ang origin.

Naramdaman ang intensity IV sa New Bataan, Maco, at Mawab, Davao De Oro; intensity III sa Nabunturan, Davao De Oro; intensity II sa Laak, Davao De Oro; at intensity I sa Bislig City, Surigao del Sur.

Sa instrumental intensities, naramdaman ang intensity IV – Nabunturan, Davao De Oro at intensity II sa Davao City, Davao Del Sur.

 Bago ang nasabing malakas na paglindol, ganap namang alas-12:49 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 4.9 na lindol sa nasabi ring lugar.

Naramdaman ang intensity IV sa New Bataan, Monkayo, at Montevista, Davao De Oro at sa instrumental intensity ay intensity IV sa Nabunturan, Davao De Oro.

Ayon pa sa Phivolcs, ang nasabing magkasunod ng lindol ay aftershock ng naitalang magnitude 6 na lindol na naitala noong nakalipas na Pebrero 1 sa Davao de Oro.

Leave a comment