Transport strike natuloy: LGUs agad nagbigay ng Libreng-Sakay

Ang pampasaherong bus na kabilang sa 65 transport vehicles na ipinakalat ng lokal na pamahalaan ng Calooca City sa North at South Caloocan para masakyan ng mga commuters na naapektuhan ng tigil-pasada ng ilang transport groups.
Makikita sa larawan ang isang tauhan ng Caloocan City government na naglagay ng command post para magbigay ng asiste sa mga apektadong commuters.

BY ONLINE BALITA

Sa kabila ng naitalang ilang transport groups ang nagsagawa ng tigil-pasada ay hindi naman ito masyadong naaapektuhan ng mga commuters dahil na rin sa agarang pagtugon ng mga local government units (LGUs) at ng mga ahensya ng pamahalaan.

Sa kabuuan, bagama’t may naitalang tigil-pasada ng mga drivers at operators na miyembro ng Manibela at PISTON sa Monumento area partikular sa Caloocan City at Malabon City gayundin sa Alabang, Muntinlupa City at sa ilang bahagi ng Quezon City, Manila, Pasig, Paranaque, marami pa ring pampublikong sasakyan ang bumiyahe partikular ng mga modernong jeepney.

Nabatid na ilang PUJ ang bumiyahe bago mag-alas-6:00 ng umaga at pagsapit ng alas-7:00 ng umaga ay ilan na ang tumigil na sa pagbiyahe.

Sinasabing ilang drivers ang napilitang tumigil sa pasada sa pangambang pag-initan ng mga nagra-rally na kapwa driver at pagbabatuhin sa sandaling makitang bumiyahe.

Isa sa nakitang hindi namobilisa ng Manibela transport group at PISTON ang biyahe sa Metro Manila ay dahil sa marami namang alternatibong sasakyan tulad ng motorcycle ride, TNVS, taxi, LRT at MRT.

Maraming LGUs ang nag-alok ng libreng sakay sa mga commuters kung kaya’t hindi namproblema ang mga commuters sa biyahe.

Maliban dito ay nagpakalat din ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga sasakyan para magamit sa libreng sakay ng mga commuters.

May mga ulat din sa ilang lalawigan na nagkaroon ng tigil-pasada ng mga PUJs ngunit tulad ng nangyari sa MM ay agad ding sumaklolo ang mga LGUs na nagpakalat ng mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay.

Samantala, umani naman ng reklamo mula sa mga motorista ang lokal na pamahalaan ng Maynila dahil sa bagama’t nakatulong sa pagbibigay ng libreng-sakay ay nagbigay naman ito ng sakit ng ulo ng mga motorista.

Ito ay dahil sa inokupa ng mga e-trike at pampasaherong bus ang tatlong linya ng kalsada sa harap mismo ng Manila City hall hanggang sa Park and Ride dahilan upang magsikip ang daloy ng trapiko na nanggaling sa Taft Avenue at galing sa Burgos St.

Magugunitang ang planong week-long transport strike ng nasabing transport groups ay dahil sa pagtutol ng mga ito sa PUV Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr) na ang deadline ay itinakda hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.

Leave a comment