Para maipasa ang Charter Change sa Senado

Ni NOEL ABUEL
Walang planong humingi ng tulong si Senador Robinhood Padilla kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maipasa sa Senado ang Charter Change (Cha-cha).
“Siguro kung di ko committee ang revision and amendments, pwede ko gawin ‘yan. Pero dahil ako ang chairman di kaya ng prinsipyo ko. Hindi ko kaya. Kasi para sa akin sa legislation ito. Di ko kailanman matatanggap kailangan ako mag-bow na di sa mandato niya. Parang malabo ‘yan. Siguro pag di ako ang chairman gagawin ko ‘yan. Di ko magagawa. Sorry. Di ko talaga magagawa. Parang sinabi ko nang ang Senado sa ilalim ng executive, parang nawala yabang ko. Parang magkahiwalay ang executive, hiwalay ang legislative at hiwalay ang judiciary. Pag nagmano ako kay Presidente, para mong sinasabi sa ilalim kami ng executive,” paliwanag ni Padilla.
Naniniwala aniya ito na mailulusot ang pag-
amiyenda sa economic provision ng Konstitusyon sa committee hearing bago iakyat sa plenaryo.
“Naniniwala ako pag nabasa ng ating mga kasamang senador ang bill ko at narinig nila ako sa plenary at naniwala sila sa akin economic provision lang ang gagalawin natin, kung maliban doon, wala na, lulusot ito. Lulusot ito. Kasi lahat na senador pag pinakinggan mo sila gusto umunlad ang PH. Isa lang pwede nating gawin para tayo umunlad: Buksan ang ating ekonomiya sa mga dayuhan na investor. That’s the only way,” ayon pa kay Padilla.
Magugunitang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi maipapasa ang Cha-cha sa Senado dahil walang boto na makukuha ito sa mga senador.
Giit ni Padilla, nasa Senado ang loyalty nito at handang ipagtanggol ang Cha-cha sa plenaryo kasabay ng panawagan sa mga kapwa nito senador na pakinggan ang paliwanag nito.
“Kailangan pong madinig. Kasi ‘yan ang diwa ng demokrasya. Para sa akin tagumpay nang marinig ito sa apat na sulok ng plenaryo at marinig ko rin ano sasabihin ng ating senador officially. Kasi pag nandiyan tayo sa plenaryo lahat diyan official na,” sabi nito.
Sinabi naman ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng House committee on constitutional amendments, na hindi dapat ipagwalang-bahala ng Senado ang sentimiyento ng mga mambabatas.
“The Senate cannot and should not ignore our initiative, which is an expression of the people’s consensus we gathered in our recent nationwide public hearings and consultations,” sabi ni Rodriguez.
Aniya, sa 314 bilang ng mga kongresista, 301 sa mga ito ay bumoto pabor sa resolusyon ng Houses No. 6, na humihimok sa Kongreso na magpatawag ng constitutional convention (Con-con) para muling isulat ang economic provision ng Konstitusyon.
