
NI NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong kababaihang Pinay na nagtangkang umalis patungong Lebanon at nagkunwang mga turista.
Ayon kay BI Commissioner Noman Tansingco ang nasabing mga Pinay ay naharang bago pa makasakay ng eroplano patungo sa nasabing bansa noong nakalipas na Marso 10 at Marso 12 sa NAIA Terminal 3.
Base sa impormasyon ng BI travel control and enforcement unit (TCEU), isa sa mga biktima ay isang 26-anyos na babae na nagkuwang magtutungo sa Malaysia para magbakasyon subalit nang ipakita nito ang pasaporte ay nakita na may hawak itong Egyptian visa at hindi rin nakapagpakita ng ebidensya na may trabaho ito sa bansa.
Sa imbestigasyon pa ng BI, inamin ng biktima na ang tunay na destinasyon nito ay sa Lebanon para magtrabaho bilang household worker na may sahod na US$400.
Habang ang isa pang babae ay nagsabing nagtatrabaho ito biilang sales agent sa isang appliance company subalit nang magpakita ito ng certificate of employment ay nagduda ang BI personnel lalo na at hindi ito nagpakita ng pocket money para bumiyahe sa ibang bansa.
Sa huli ay umamin din ito na inalok din itong magtrabaho sa Lebanon bilang domestic helper din.
Samantala ang ikatlong biktima ay naharang nang tangkaing umalis ng bansa patungong Hong Kong para umano magbakasyon.
Ngunit sa pag-iinspeksyon, natuklasan na patungo rin ito sa Lebanon ay pinangakuan na magtatrabaho bilang household service worker.
Sa kasalukuyan ay nai-turned over na ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para tulungan na sampahan ng kaso ang kabilang recruiters.
“These trafficking syndicates are continuing their nefarious activities but we will not relax our vigilance in preventing their victims from leaving and be saved from the evils of human trafficking,” sabi ni Tansingco.
