
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang Pinay na patungo sa Africa at pinaniniwalaang biktima ng human trafficking.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing dalawang biktima ay nasabat sa NAIA Terminal 1 noong nakalipas na Marso 7 bago pa makasakay ng eroplano patungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ni Tansingco na inamin ng dalawang biktima na ang mga ito ay magtutungo lamang sa Malaysia habang ang kanilang huling destinasyon ay ang Democratic Republic of Congo sa Central Africa.
Sa pahayag pa ng mga biktima, inalok ang mga ito na illegal na magtrabaho bilang household workers ng isa ring Filipina na nagtatrabaho bilang “mayordoma” sa isang mayamang mag-asawa sa Congo.
Sinabi ni Tansingco na may tungkulin ang BI na pigilan ang pag-alis ng mga kababaihan dahil ipinagbabawal ng batas ang pagpunta sa ibang bansa nang walang kinakailangang overseas employment permit mula sa gobyerno.
“These victims were enticed by promises of big salaries, however by going through these illegal means, they are of higher risk for abuse and exploitation,” ayon sa BI chief.
Binalaan din nito ang mga miyembro ng human trafficking syndicates na hindi uubra ang kanilang pakulo na ipadala ang kanilang mga biktima sa ibang bansa sa pagkukunwaring turista.
“Our officers at the airport are proficient in detecting this old scheme. So it is highly unlikely that they will pass our counters unnoticed,” aniya pa.
