
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magnitude 4.7 ang lalawigan ng Maguindanao del Norte kaninang madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa datos ng Phivolcs, dakong alas-5:13 ng madaling-araw nang tumama ang nasabing lindol na may lalim na 575 kms at tectonic ang origin.
Nakita ang sentro ng lindol sa 025 km hilagang kanluran ng Bongo Island, sa bayan ng Parang, Maguindanao Del Norte.
Wala namang nakitang anumang danyos ang nasabing lindol at wala ring inaasahang aftershocks sa mga susunod na araw.
Samantala, nilindol din ang lalawigan ng Masbate kaninang madaling-araw rin.
Dakong alas-3:14 ng madaling-araw nang maramdaman ang magnitude 3.9 na ang sentro ay nasa 006 km timog silangan ng Monreal, Masbate.
May lalim itong 004 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity IV sa Monreal, San Jacinto, at San Fernando, Masbate at intensity III sa Batuan, Masbate.
Walang naitalang epekto ang lindol at wala ring inaasahang aftershocks sa mga darating na araw.
