
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang Sudanese national na itinuturong sangkot sa human organ trafficking.
Sa ulat ni Intelligence Division chief Fortunato Manahan Jr. kinilala ang nadakip na dayuhan na si Badreldin Elzaki Ibrahim El Habbib, 44-anyos, sa Makati City Martes ng umaga.
Nabatid na armado ng Warrant of Deportation na inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco, kasunod ng Summary Deportation Order na inisyu noong 2013, isinagawa ng BI ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ni El Habbib.
Sa record ng BI, 2009 nang makatanggap ng kahilingan ang gobyerno ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA), para maaresto ang nasabing dayuhan dahil sa pagkakasangkot nito sa organ trafficking na ang mga biktima ay pawang mga pasyente sa KSA.
Ito umano ang nang-engganyo at nagre-recruit ng mga Saudi nationals na nangangailangan ng kidney transplant para magkaroon nito sa Pilipinas, ngunit nauwi sa panloloko sa kanyang mga biktima.
Dati na itong naaresto noong Setyembre 2009 ngunit pinalaya dahil sa pagpiyansa, at nanatiling nakalaya mula noon.
“His presence in the country poses as a threat to Filipinos. Hence he has been arrested, and will be deported for violating immigration laws,” sabi ni Tansingco.
