Pagpasa sa Magna Carta for Barangays iniapela ni Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Iniapela ni Senador Christopher “Bong” Go na
ikonsidera na maipasa ang Magna Carta for Barangays dahil sa mahalagang papel na ginagampanan sa paghahatid ng serbisyo publiko sa kani-kanilang mga komunidad.

Sinabi ni Go na kailangang bumuo ng mga interbensyon na makabuluhang makikinabang ang mga opisyal ng barangay upang mas mapagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan.

Sa Senate Bill No. 197 o ang Magna Carta for Barangay, sa isang probisyon nito na ayusin ang kalagayan ng mga barangay officials at iba pang manggagawa nito at bigyan ng mas magandang suweldo at benepisyo.

“I originally filed the Magna Carta for Barangays last 18th Congress and I refiled it dito po sa 19th Congress since I believe that we need to improve the general welfare of our barangays and their residents, raise the economic and social status of barangay officials, and grant every barangay the basic facilities for decent, healthy and comfortable living,” sabi ni Go.

“Naintindihan ko po ang trabaho po ng ating mga barangay officials. Matagal po akong nagtrabaho kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kahit noong mayor pa siya. ‘Yan po ang unang-una – sa umaga pa lang, nakapila na ‘yan, dala-dala ang mga problema ng barangay. At pinakahuling oras hanggang gabi, sila po ‘yung nandiyan sa baba, na talagang humihingi ng tulong at nagdadala po ng serbisyo. Lahat ng problema – patay, pasyente, away sa barangay, lahat. Lahat po ng problema sa barangay nila, sila po ang nag-aasikaso,” paliwanag pa nito.

Kinilala rin ng mambabatas ang mahalagang responsibilidad ng mga pinuno ng barangay sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pagtataguyod ng kapakanan ng kanilang mga nasasakupan dahil sila ang namamahala sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa sa pagpapaunlad ng komunidad.

“Napakalaki po ng tungkulin na ginagampanan ng ating mga barangay officials dahil sila ang frontliners sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Sila ang pinakaunang tinatakbuhan ng ating mga kababayan. Kagaya nga noong kasagsagan ng pandemya, unang nilalapitan po ang barangay officials,” ani Go.

“Walang pinipiling oras ang kanilang pagseserbisyo dahil sila ang unang pinupuntahan ng ating mga kababayan — mapa-kalamidad, sunog, pandemya, kriminalidad at maging paghatid ng mga pasyente sa ospital — kahit gabi po, 24 hours pong nagtatrabaho ang ating mga barangay officials,” dagdag nito.

Kung magiging batas, ang mga opisyal ng barangay ay ituturing na mga regular na empleyado ng gobyerno at ang punong barangay, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay karapat-dapat sa mga suweldo, emolument, allowance tulad ng hazard pay, representasyon at allowance sa transportasyon, 13th month pay at iba pang benepisyo na ibinibigay ng mga regular na empleyado ng gobyerno.

Leave a comment