
NI MJ SULLIVAN
Isang malakas na paglindol ang tumama sa lalawigan ng Ilocos Norte ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-1:51 ngayong hapon nang maitala ang magnitude 5.1 sa Richer scale na natukoy ang sentro sa layong 035 km timog kanluran ng Burgos, Ilocos Norte.
May lalim itong 010 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity IV sa Pagudpud, Bangui, Sarrat, San Nicolas, Pasuquin, Bacarra, lungsod ng Laoag, Carasi, Burgos, at syudad ng Batac, Ilocos Norte.
Intensity III naman ang naitala sa Paoay, Ilocos Norte at intensity II sa Pinili, at Marcos, Ilocos Norte habang intensity I sa Sinait, Ilocos Sur.
Samantala, sa instrumental intensities ay naitala ang intensity III sa Batac, Pasuquin, at sa syudad ng Laoag, Ilocos Norte at intensity I sa Sinait, Ilocos Sur.
Isinusulat ang balitang ito ay wala pang ulat kung may naging epekto ang nasabing lindol sa Ilocos region.
Nag-abiso rin ang Phivolcs na asahan ang pagkakaroon pa ng aftershock sa mga susunod na araw.
