Panukalang 56-anyos na pagreretiro ng gov’t workers ipasa na — solon

Rep. LRay Villafuerte

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa ang isang mambabatas na magiging batas na ang panukalang nagpapahintulot sa lahat ng empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga pampublikong guro sa paaralan, na magretiro sa edad na 56-anyos.

Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill no. 206 sa botong 268 pabor at isa ang abstention, na naglalayong amiyendahan ang Section 13-A ng Republic Act (RA) 8291, o mas kilalang “The Government Service Insurance System Act of 1997,” sa pamamagitan ng pagbaba ng retirement age.

Ayon pa kay Villafuerte, sa ilalim ng panukala, nagbibigay-daan ito sa mga magreretiro na anihin ang mga benepisyo ng kanilang pagsusumikap sa mas batang edad at kasabay ng pagbubukas ng bagong oportunidad sa trabaho sa mga nasa pribadong sektor na gustong pormal na sumali sa gobyerno ngunit hindi maaarin dahil sa kawalan ng mga available na posisyon sa burukrasya.

Sinabi pa ni Villafuerte, presidente ng National Unity Party (NUP) at isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng panukala, na nabuo ito sa pagpapasa kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa sa pinagsama-samang panukalang batas na nagpapababa sa opsyonal na edad ng pagreretiro para sa government personnel sa 56-anyos mula 60-anyos.

“This proposal will give our over a million workers in Government the option to retire earlier than currently allowed, so they can, for one, spend more quality time with their respective families even before they join the ranks of the elderly,” ani Villafuerte.

Sa HB 4003, na iniakda ni Villafuerte, CamSur Rep. Miguel Luis Villafuerte at Tsuyoshi Anthony Horibata at Bicol Saro partylist, na ipinanukala naman ang pagpapatupad ng lower retirement age sa mga public schoolteachers.

Sa ilalim ng RA 8291, ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) ay may opsyon na magretiro sa edad na 60-anyos habang ang compulsory retirement age ay 65-anyos.

Habang sa HB 206, ang government worker ay maaaring magretiro ng 56-anyos sa kondisyon na ito ay nagserbisyo ito nagsilbi na ng 15-taon bago ang pagreretiro at hindi tumatanggap ng buwanang pensyon mula sa permanent total disability.

Leave a comment