Di nagpatinag sa CCG

NI NERIO AGUAS
Nagsagawa ng Maritime Patrol (MARPAT) mission ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paligid ng Kalayaan Island Group noong nakalipas na linggo upang matiyak na napoprotektahan ang karapatan at interes ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, mahalaga ang mga pagpapatrulya sa WPS upang masiguro ang katahimikan at stability sa nasabing rehiyon kung kaya’t patuloy ang isinasagawang paglalayag ng PCG.
Nabatid na ang MARPAT missions ng PCG sa pakikipagtulungan ng Western Command (WESCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Area Task Force – West (ATF-WEST) AFP-WESCOM, ay magpapatuloy.
Una nito, noong Marso 16 hanggang Marso 21 ay nagsagawa ng MARPAT mission ang BRP MALAPASCUA (MRRV-4403) sa Kalayaan Island Group (KIG) kung saan nakita nito ang mga foreign-flagged vessels kabilang ang hindi mabilang na China Coast Guard Vessels (CCGVs) at People’s Liberation Army-Navy (PLAN) Type 056A Jiangdao II Class Missile Corvette.
Habang sa Sabina Shoal, nakapag-monitor ang BRP MALAPASCUA ng presensya ng nasa 20 Chinese at Vietnamese vessels.
Nakaharap din ng PCG vessel ang dalawang CCGVs na may bow numbers 5304 at 5305 di kalayuan sa shoal kung saan nagpadala ng radio challenges ang PCG subalit walang tugon ang Chinese vessels.
Nagpadala ng Rigid-hull Inflatable Boats (RHIBs) ang PCG para itaboy ang mga foreign flagged vessels na nasa paligid ng Sabina Shoal.
Samantala, sa Pag-asa Island, naharapan din ng BRP MALAPASCUA ang PLAN vessel na may bow number 649 sa 12 nautical mile ng Pag-asa territorial waters kung saan nagpadala rin ng radio challenges ang PCG subalit tumugon ang nasabing PLAN vessel na mistulang hinamon ang barko ng PCG.
Inulat din ng PCG, nang pabalik na ang BRP MALAPASCUA sa Buliluyan Port, sa probinsya ng Palawan habang nagpapatrulya sa Ayungin Shoal, nakita nito ang isang CCGV 5201 kung san nagpadala ng radio challenges.
Tumugon naman ang CCGV 5201 na sundan ang BRP MALAPASCUA sa layong 1,600 yards di kalayuan sa Philippine Navy Vessel BRP SIERRA MADRE.
