Tingog top performing party-list –RPMD survey

Ni NOEL ABUEL

Nanguna ang Tingog party-list na kinakatawan nina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre sa mga top performing party-list na nakaupo sa Kamara de Representantes, batay sa survey ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD).

Base sa survey na mayroong error of margin na +/-1%, ang Tingog ay nakakuha ng 93.5% mula sa survey na nilahukan ng 10,000 respondents sa buong bansa.

Nasa ikalawang puwesto naman ang ACT-CIS na nakakuha ng 89.4% at ang pangatlo ang AGIMAT na may 88.6%.

Ang Tingog party-list ay binuo matapos ang paghagupit ng Super Typhoon Yolanda upang madala sa Kongreso ang mga isyu na kinakaharap ng rehiyon.

Nakasentro ang atensyon nito sa pagtulong at pagpapalago ang mga lugar na malayo sa kabihasnan.

Upang mas marami ang mahatiran ng tulong, ang Tingog ay nagtayo ng 70 Alagang Tingog Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Dr. Paul Martinez ng RPMD, makikita sa survey ang mga party-list groups na nararamdaman o nakikita ng publiko na mayroong ginagawa.

Sinabi ni Martinez na masasabi ng publiko ang pagiging epektibo ng mga party list at ang kanilang pagganap sa mandato na ibinigay sa kanila ng publiko.

Nagpasalamat naman sina Romualdez at Acidre sa tiwala na ibinigay sa kanila ng publiko at ng kanilang mga miyembro at nangako na gagawin ang kanilang makakaya upang mapabuti ang kanilang kalagayan ng mga ito.

Pinasalamatan din ng dalawang mambabatas si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na naging inspirasyon ang masigasig na pagganap sa kanyang mandato upang matulungan ang mga Filipino.

Leave a comment