“Alalay sa manlalakbay” inilunsad ng Caloocan gov’t ngayong Semana Santa

Ni JOY MADELINE

Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang programang Alalay sa Manlalakbay: Oplan Semana Santa upang epektibong magbigay ng tulong sa publiko ngayong Semana Santa.

Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, nagpakalat ang pamahalaang lungsod ng mga tauhan at naglagay ng mga tulong at information desk sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Ipinabatid din nito sa mga residente at sa mga nagbabalak bumisita sa Lungsod ng Caloocan na nakahanda ang lokal na pamahalaan na magbigay ng gabay, pagsagot sa mga katanungan, at pag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga motorista at mananampalataya na makikibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng Semana Santa.

“Pinaigting natin ang preparasyon para sa paggunita ng Semana Santa sa lungsod ng Caloocan. Sa pangunguna ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) naglagay tayo ng mga help desk na aalalay sa ating mga kababayan sa Semana Santa. Katuwang din po natin ang Caloocan City Police Station sa pagbibigay ng seguridad sa mga kababayan nating motorista at mananampalataya,” pahayag pa ng alkalde.

Samantala, sinabi ni City Administrator, Engr. Aurora Ciego, pinaalalahanan nito ang publiko na tandaan ang Alert and Monitoring Operation Center hotline ng lungsod, sakaling kailanganin ng publiko ang agarang tulong o emergency response.

“Paalala lamang po sa ating mga mamamayan na i-save ang ating 24/7 centralized emergency hotline. Maaari pong tumawag sa (02) 888-25664 (ALONG), para sa anumang emergency na kailangan ng agarang aksyon,” ayon pa kay Engr. Ciego.

Bukod dito, nais ng lokal na punong ehekutibo na maging mapayapa, ligtas, at taimtim na pagdiriwang ng Semana Santa ng lahat ng Filipino.

“Hiling po natin ang isang payapa, ligtas, at taimtim na paggunita ng Mahal na Araw para sa lahat,” sabi ni Mayor Along.

Leave a comment