
Ni NERIO AGUAS
Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa lalawigan ng Cebu ang isang mataas na opisyal ng Mongolian government na pinaghahanap sa kanyang sariling bansa dahil sa mga paglabag sa katiwalian.
Kinilala ni Immigration Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr. ang nasabing dayuhan na si Tunjin Badamjunai, 67-anyos, na nadakip noong nakalipas na Abril 4 sa koordinasyon ng Mongolian Police.
“We were initially informed by Mongolian authorities that Badamjunai will be in Cebu City,” sabi ni Manahan.
Nabatid na ang pagkakadakip sa nasabing dayuhan ay sa bisa ng mission order na inilabas ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Si Badamjunai ay iniulat na kinasuhan ng deportasyon dahil sa pagiging undesirable alien dahil ito ay isang takas mula sa hustisya at nagdudulot ng malinaw at kasalukuyang panganib, panganib sa pampublikong interes at kaligtasan, at banta sa pambansang seguridad.
“The Mongolian government has also cancelled his passport, rendering him undocumented,” ayon pa kay Manahan.
Aniya, upang maiwasan ang karagdagang pagkaantala at abala agad na ipinatapon si Badamjunai sa araw na iyon sa pamamagitan ng flight ng Korean Airlines mula Mactan, Cebu base na rin ng kahilingan ng mga awtoridad ng Mongolian.
Pinuri naman ni Tansingco si Manahan at mga ahente ng BI Intelligence Division dahil sa matagumpay na pagkakadakip sa wanted na Mongolian official.
“This is yet again a major arrest for our
agents. Rest assured that we will continue to hunt down these criminals and continue to strengthen our partnership with foreign counterparts to maintain public safety and security,” sabi nito.
