
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na ilan sa mga Filipinong biktima ng human trafficking na nakauwi sa bansa ay nakaranas ng pang-aabuso at pananakit mula sa kanilang employers sa Bangkok, Thailand.
Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco kaugnay ng pagkakaligtas sa 7 OFWs na dumating sa bansa matapos dumanas ng masalimuot na karanasan sa naging trabaho ng mga ito bilang crypto currency scammers sa Mae Sot ng nasabing bansa.
Ikinuwento ng mga biktima kung paano sila ginutom, kinuryente, at binugbog gamit ang PVC pipe dahil sa hindi nila naabot na quota ng mga investors sa pseudo-investment scheme.
Nabatid na ang 7 biktima ay umalis ng bansa noong nakaraang taon patungo sa Bangkok at Singapore sa pagkakahiwalay na okasyon bilang turista.
At noong Abril 1, tatlong iba pang biktima ang pinauwi mula sa Phnom Penh, Cambodia matapos mabiktima ng parehong sindikato.
Ibinunyag ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa isang ulat na huling umalis ng bansa ang isa sa mga pasahero noong 2019 bilang overseas Filipino worker (OFW) patungong UAE habang ang dalawa pa ay mag-asawang umalis ng bansa noong Agosto noong nakaraang taon na nagsabing tatlong araw sa Thailand para mag-honeymoon.
Sa imbestigasyon, lumabas na ni-recruit ang mga biktima gamit ang social media bilang customer service representatives sa Cambodia at pinangakuan na makakatanggap ng suweldong 1200 hanggang 1500 US dollars.
Ibinahagi ng isa sa mga ito na lumipad mula Dubai patungong Cambodia nang walang anumang gastos ngunit isinailalim sa trabaho para sa isang bogus online shopping platform na target ang mga Pilipino bago ibenta sa isang cryptocurrency scammer.
Pagkatapos nito, muli umano itong ibinenta sa ibang kumpanya para magtrabaho bilang isang love scammer kung saan hindi ito nakatanggap ng bayad.
Ayon naman kay Tansingco ang karanasan ng mag-asawang nagtrabaho sa ilalim ng hindi makatarungang kondisyon bilang customer support personnel para sa isang virtual shopping website na nag-aalok ng mataas na payout sa kanilang mga customer.
“According to the victims, their employers deceive their clients through a social messaging app where they will encourage them to invest more in their site but would not allow them to withdraw their investment after the first two successful payouts,” sabi nito.
Nagawa ng mag-asawa na makatakas sa kanilang mga amo at tinulungan ng Philippine Embassy sa Phnom Penh para makakuha ng exit clearances.
“They were stripped off of their rights to life and liberty. Imagine being sold off like inanimate objects. This is modern-day slavery. It is deeply disturbing and must be stopped at once,” sabi ni Tansingco.
